TINATAYANG nasa P1.6 milyong halaga ng shabu ang nasabat ng mga awtoridad mula sa isang drug courier na nakatakda sanang ipuslit palabas ng bansa sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency at pulisya sa San Fernando City, Pampanga noong Marso 3, 2013.
Ayon kay PDEA Director General Arturo G. Cacdac, Jr., nahuli nila ang drug courier na si Benigno S. Cayanan , 28 anyos, isang OFW galing Saudi Arabia matapos itong boluntaryong sumurender at ipinaalam sa mga awtoridad ang dala niyang shabu na naka consign sa isang Jonas Lopez , 32 anyos, residente ng No. 7 SSS Tagumpay St., Sindalan San Fernando City, Pampanga.
Dahil dito, agad ding nagsagawa ng delivery operation ang mga tauhan ni Director Adrian Alvarino ng PDEA RO3 at PNP sa lugar bago nila pinosasan si Lopez habang aktong inaabot ang may 297 gramo ng shabu na nakalagay sa malalaking plastic sachet at nagkakahalaga umano ng P1.6 milyon .
Ang mga nakumpiskang shabu ay nakasiksik sa loob ng isang pares na makakapal na islander na tsinelas na nakatakda sanang ipuslit patungong Kingdom of Saudi Arabia sa Marso 2, 2013.
Hinihinalang si Lopez ang tumatayong facilitator ng iligal na droga sa mga drug courier na nag-ooperate sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia.
Ani Cacdac sa publiko, patuloy ang kanilang operasyon para mapigilan ang mga sindikato ng droga na bumibiktima ng mga OFWs.
Kinasuhan na sa piskalya sa Region 3, San Fernando City, Pampanga si Lopez.