TINIYAK ngayon ng Malaysian government na hindi sila magdedeklara ng giyera laban sa Pilipinas, kasunod ng ikinasang pag-atake sa grupo ng mga Filipino-Muslims sa isla ng Sabah.
Sa isang pahayag, sinabi ni Prime Minister’s Department Nazri Aziz na wala ring epekto sa magandang relasyon ng dalawang bansa ang nangyari sa isla ng Borneo.
Una rito, idinepensa ng Malaysian government ang paggamit ng malakas na puwersa laban sa pinaniniwalaang nasa 200 armadong Filipino-Muslims sa isla ng Sabah.
Sa isang pahayag, sinabi ni Malaysian Prime Minister Najib Razak na napilitan na silang gumawa ng aksyon para idepensa ang dignidad at sobereniya ng kanilang bansa.
Sinabi pa ng opisyal na wala nang katuturan ang negosasyon matapos na makailang beses na ring binalewala ang kanilang apela para sumuko ang grupo ni Kiram.