MABILIS na tumugon ang ilang lumayang preso na pinababalik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Bureau of Corrections dahil sa kontrobersya sa Republic Act No. 10592 o Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Habilin ni Duterte, basta sumurender o sumuko ang mga ito sa pinakamalapit na awtoridad gaya ng mga pulis at militar sa lugar.
At nagaganap nga ito habang ang iba ay dumiretso mismo sa sangay ng BuCor na pinanggalingan nila.
Ang BuCor kasi ay para sa mga pambansang bilanggo o na-convict o napatunayan nang nagkasala ng hukuman at may mga bilangguan ito sa Bilibid sa Muntinlupa, sa Mindanao, sa Palawan at iba pa.
Maraming aalamin sa mga ito, lalo na ang mga kaduda-duda ang paglaya.
‘Yun bang === binili ang kanilang kalayaan o kapalit ng pangongotong ng mga taga-Bureau of Corrections at iba pang paraan.
Kasama sa mga dapat bumalik ang mga nililitis pa lang ang mga kaso ngunit pinalaya rin sa kaduda-dudang paraan.
TAKOT SA DEAD-OR-ALIVE
Sa interbyu sa ilang bumabalik na preso, takot silang mahagip ng patakarang dead-or-alive ni Pang. Digong.
Sabi ng Pangulo, may 15 araw silang sumuko at kung lilipas ang panahong ito, ituturing na silang mga fugitive o takas na bilanggo.
Dito sila maaaring manganib, lalo na ang mga lalaban na ikapapanganib ng buhay ng mga mang-aaresto sa kanila na pulis, military, National Bureau of Investigation at iba pang naaatasang mang-aresto.
‘Yung iba, lalo na ang mga may pera, sa mga abogado sila pumupunta at komukonsulta kung babalik sila o hindi.
Ito’y dahil hati ang mga abogado sa kautusan ng Pangulo.
May mga abogadong nangangatwiran na iligal o kwestiyunable ang kautusang pagpapanumbalik sa BuCor ng mga pinalaya ng ahensya.
At umaasa ang mga may pambayad sa abogado, kasabay ng pagtatago nila o paglayas ng bansa para makaiwas sa pang-aaresto.
Magpapakita lamang sila batay sa kautusan ng korte.
Pero lalong magtatago o tatakas palabas ng Pinas ang mga gumawa talaga ng milagro gaya ng panunuhol sa mga taga-Bucor sa salapi at iba pang paraan kapalit ng kanilang kalayaan.
1,800 HEINOUS CRIMINALS, ATBP.
Ang nasa 1,800 na convict at may dinidinig pang kasong masasabing heinous crime na lumaya sa hindi tamang panahon ang napagtuunan ng pansin sa kautusang magsibalikan ang mga ito sa kulungan, particular sa mga kulungan ng BuCor.
At sa kalaunan, kasama na ang mga recidivist o paulit-ulit na gumagawa ng magkakahalintulad na kaso, habitual delinquent o gumagawa ng iba’t ibang kaso at escapee o tumatakas.
Kabilang sa mga may heinous crime sina ex-Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez at mga convict sa kasong Chiong sisters sa Cebu at mga druglord, Pinoy man o dayuhan.
May panggagahasa at pagpatay ang kaso nina Sanchez at mga convict sa kasong Chiong habang malakihang droga naman ang kinasasangkutan ng mga druglord.
Siyempre pa, may mga may kasong pagpatay na parricide, kidnapping o carnapping na may pagpatay, rape, masaker na katulad ng sa mga Ampatuan at iba pa.
PARUSA AT GIYERA SA KORAPSYON
Sa kabuuan, kabilang sa mga pinakamahalaga na sangkap ng kautusan sa “balik-kulungan” ni Pang. Digong ang parusa at giyera sa korapsyon.
Maliwanag sa kautusan na hindi makikinabang ang mga may heinous crime, recidivist, habitual delinquent at escapee sa grasyang ipinagkakaloob ng GCTA.
Kailangang buuin ng mga bilanggo na convict o nililitis pa lang ang kaso ang mga parusang 21 taon at isang araw hanggang 40 taong pagkabilanggo sa ilalim ng reclusion perpetua ayon sa takda ng Revised PenaL Code of the Philippies at 30-40 taong pagkabilanggo sa ilalim ng life imprisonment ayon naman sa takda ng mga espesyal na batas.
Sa pagbabalik ng mga bilanggo, kailangan nilang magtapat kung sila’y kinotongan ng salapi at iba pang pabor kaya sila lumaya.
Kailangan din nilang magtapat kung sila mismo ang nag-alok ng suhol at tinanggap ng mga taga-BuCor para sa kanilang kalayaan.
Kailangan din nilang ipagtapat kung ginamitan sila ng mga pakana na pagsasampa ng kaso kung hindi sila bumigay sa gusto ng mga taong pamahalaan.
Ito’y para masibak, makasuhan at makulong din ang mga korap na opisyal ng BuCor at iba pang may kinalaman sa iskam sa pagpapalaya ng mga bilanggo.
At maituwid na rin ang pagkukulang o kamalian ng gobyerno sa mga sobra-sobra ang parusa na malalaman sa muling pagkwenta sa haban ng panahon ng pagkakabilanggo ng mga preso.
Dapat magtulungan ang lahat para sa makamit ang tunay na katarungan para sa mga biktima at akusado, kasama na ang mga nasasangkot na komunidad at buong bayan.
oOo
Anomang reaksiyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa bantiporda@yahoo.com – ULTIMATUM NI BENNY ANTIPORDA
The post MAS MABUTING SUMUKO KAYSA MA-DEAD OR ALIVE appeared first on REMATE ONLINE.