MANILA, Philippines – Naghain ng ilang panukalang batas si Senate President Francis “Chiz” G. Escudero na may layuning palakasin ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs), natatanging gulugod ng pambansang ekonomiya, sa pamamagitan ng pagbibigay ng insentibo sa pagbubuwis at pagpapaluwag ng pautang upang mapalago at mapalawak ang maliliit na negosyo.
Sa isang pahayag, sinabi ni Escudero na bahagi ang pro-MSME bills sa 10 panukalang batas na nais niyang bigyang prayoridad sa 20th Congress. Kinikilala ng mga ito ang mahalagang papel ng maliliit na negosyo sa pambansang ekonomiya, na nagbibigay ng mahigit 67 porsiyento ng kabuuang trabaho sa buong bansa.
Nakatakdang gawing exempted sa income tax ang MSMEs sa loob ng tatlong taon, at ibabawas sa kanilang taxable income ang halagang katumbas ng 25 porsiyento ng kanilang gastusin sa labor.
Kasama rin dito ang panukalang bawasan ang optional tax sa gross sales o receipts sa 5 porsiyento mula sa kasalukuyang 8 porsiyento.
Isinusulong din ni Escudero ang pagpapaluwag sa tantos sa ilalim ng creditable withholding tax system sa dalawa, tulad ng 1 porsiyento sa pagbili ng goods at properties, at 2 porsiyento sa pagbili ng services.
Nanawagan din ang senador para sa pagbabalik ng mandatory credit allocation sa MSMEs ng lahat ng lending institutions sa loob ng 10 taon upang mabigyan ng mas maraming oportunidad ang maliliit na negosyo na magkaroon ng pagkukunan ng puhunan.
“These will allow our MSMEs, particularly those that are struggling financially, to continue their operations, hire more people and even consider an expansion in the future,” ayon kay Senate President Escudero. Ernie Reyes
The post Bills ni Chiz: Buwis ng MSMEs, babawasan; credit access paluluwagin first appeared on Remate Online.