PINAGBABARIL ng isang armadong lalaki ang dalawang Saudi national sa loob mismo ng Western Mindanao State University (WMSU) nitong Martes, alas-6:05 ng gabi (Marso 2).
Nagtamo ng tama ng bala sa ilang bahagi ng katawan at ngayo’y nasa mabuti nang kalagayan sa hindi binanggit na ospital ang mga biktimang sina Dr. A’id Al-Qarni, kilalang international lecturer, at si Sheikh Turki Assaegh, isang religious attaché ng Royal Embassy ng Saudi Arabia.
Nabaril at napatay naman ng mga escort ng mga biktima ang hindi nakilalang suspek na naka-uniporme ng WMSU. Inaalam pa ng pulisya kung lehitimong estudyante nturang gunman.
Nahuli naman ang dalawa pang kasama ng suspek at ngayo’y isinasailalim sa masusing interogasyon.
Bago ito, katatapos lamang ng free lecture ni Dr. A’id Al-Qarni sa Islamic Symposium na nasa loob ng gymnasium ng WMSU at ibinaba ni Dr. A’id Al-Qarni ang bintana ng kanilang sasakyan para kumaway sa mga lumahok sa kanyang lecture nang atakihin ng suspek.
Ilang beses pinaputukan ng kalibre .45 ng suspek ang mga biktima bago siya nabaril ng security escorts.
Samantala, sinabi ni Zamboanga City Mayor Maria Isabelle Climaco na nagpadala na ng private plane ang Saudi government para ilipat ang mga biktima papunta sa Maynila para dito ipagpatuloy ang gamutan.
Ayon sa Ulama Council of Zamboanga Peninsula, tinatayang 8,000 mga Muslim ang dumalo sa naturang symposium na nagmula pa sa iba’t ibang mga lugar sa rehiyon.
Maliban sa pagiging kilalang international lecturer, si Dr. A’id Al-Qarni ay author din ng inspirational books worldwide at napaulat na nasa Islamic State hit list din para sa assassination.
Aminado naman si Mayor Climaco na malaking epekto para sa lungsod ang nangyaring pamamaril kaya inutusan na niya ang Philippine National Police na madaliin ang imbestigasyon para malutas ang kaso. BOBBY TICZON