SABI ni Mar Roxas nitong nakalipas na presidential debate sa Cagayan de Oro City na manipis ang batayan ni Senadora Grace Poe upang tumakbo ito sa pagka-Pangulo ng Pilipinas.
Kumbinsido akong walang “moral authority” si Roxas na husgahan si Grace Poe dahil walang napatunayan si Roxas sa 20-taong pagtatrabaho niya sa mga ahensiya ng pamahalaan na magpapatunay na karapat-dapat siyang Pangulo ng bansa.
Hindi lang ako ang napabilib ni Grace Poe, kundi maging ang mga mahuhusay na indibidwal sa iba’t ibang larangan. Isa na si political analyst at De La Salle University Professor Richard Heydarian na nagsabing si Poe ay malakas ang dating, iginigiit ang mga paninindigan, at alam ang mga sinasabi hinggil sa mga isyu at suliranin ng bansa.
Ultimong ang kaibigan kong beteranong mamamahayag na si Manny Mogato ay kumbinsidong ‘nangingibabaw’ at ‘may sustansiya’ ang mga pahayag ni Grace.
Ang journalist at dating kongresistang si Teddy Locsin, Jr. na bihirang pumuri sa sinoman ay napahanga sa husay magpaliwanag ni Grace sa nabanggit na debate.
“Walang duda, si Grace Poe ang nanalo!” diin ni Locsin sa kanyang Twitter account.
Kumbinsido si Locsin na lamang si Poe laban sa apat na nakadebate. Parehas din ang pananaw ng Rappler (isang social news network).
Ayon sa Rappler, nakuha ni Grace Poe ang ika-2 at ika-3 rounds ng debate alinsunod sa mga pamantayan ng pagiging totoo, pangkalahatang dating at kaalaman sa buhay.
Kitang-kita na nakasagot nang naaayon sa interes ng publiko ang mga sagot ni Grace Poe sa lahat ng isyu at paksang ipinukol sa kanya, kabilang na ang tungkol sa suliranin ng mga magsasaka, kagutuman, kahirapan, at iba pa.
RECOM ECHIVERRI ISINUSUKA
Ang banggit sa akin, hindi bumaba ang higit 70% ng kabuuang botante ng Lungsod Caloocan na lubos ang pagnanais na manatili sa pagka-alkalde si Mayor Oscar Malapitan na nabanggit sa sarbey ng Social Weather Station (SWS) nitong 2015.
Sa parehong sarbey, lagpak naman ang puntos ni Rep. Enrico “Recom” Echiverri dahil wala pa itong 30%.
Ibig bang sabihin nito ay isinusuka na si Echiverri ng mga taga-Caloocan na siyam na taon din niyang pinaglingkuran bago siya naging mambabatas sa Representantes noong 2013?
Bakit isinusuka si Echiverri?
PAGLILINGKOD MUNA — OCA
Malayo pa naman ang simula ng kampanya para sa lokal na eleksiyon, kaya hindi pa nagsisimula ang pangangampanya ni Mayor Oscar Malapitan.
Ayon sa kampo niya, “paglilingkod muna” sa mga residente at negosyante ng Lungsod ng Caloocan ang inuuna ni Malapitan.
Kung ganyan, very good si Malapitan.
XXX
Problema at reaksyon n’yo, itawag sa: 09985650271, o mag-email sa: sulongbade@yahoo.com, o bisitahin ang: NSBADILLA.BLOGSPOT.COM BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA