PINAPLANTSA na ng Manila Police District (MPD) ang ipatutupad na security measures para sa Semana Santa.
Ayon kay MPD Director P/C Supt. Alex Guttierez, kanilang mahigpit na babantayan ang mga matataong lugar kabilang na ang “tourist spot” sa lungsod.
Kabilang na dito ang malls, simbahan, at mga vital installation na sakop ng Lungsod ng Maynila partikular na ang Light Railways Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT).
Gayundin ang mga daungan sa Manila North harbor at South Harbor ay kanila ring tututukan.
Magpapatupad rin ng police visibility ang MPD sa iba’t ibang panig ng Lungsod.
Upang makatiyak sa anomang pananamantala ng mga kawatan sa Semana Santa, nanawagan naman ang opisyal sa publiko na tiyaking nakasara ang kanilang bahay kapag sila ay magbabakasyon sa kanilang mga probinsya.
Dagdag pa ng opisyal na patuloy ang kanilang kampanya at higit pa itong paiigtingin laban sa lahat ng klase ng krimininalidad sa siyudad.