MINSAN nalilimutan na, ang mga huwes ay tao rin kagaya ng kahit sino sa atin.
Pero delikado ang kanilang tungkulin.
Sa klase ng trabaho nila, na nagpapataw ng pasya ng kaparusahan sa mga taong nakagawa ng kasalanan sa batas, madalas ay nabibingit sila sa kamatayan.
Sa isang speech ni Congressman Grex Lagman ng Albay kamakailan ay ipinahayag niya ang kalungkutan na, ayon daw sa tala ng Amnesty International Philippines, ay may 21 judges ang pinatay mula taong 1999 hanggang 2012. Kaya naman pinangungunahan ng mambabatas ang pagsusulong ng mga panukala para mapagkalooban ang mga judge natin ng proteksyon dahil sa kanilang mapanganib na propesyon.
Isinalarawan ni Cong. Grex ang hirap ng sitwasyon ng mga Huwes na madalas ay target ng threats at harassment, na maging ang buong pamilya ng isang judge ay damay sa panganib.
Binigyang-diin ni Lagman na dapat nating kilalanin bilang isang sambayanan ang halaga ng responsibilidad ng mga Huwes na tayo mismo ang nagpatong sa mga balikat nila.
Kapalit na responsibilidad din ng sambayanan na ilagay ang mga judge sa isang sitwasyon na hindi sila kailangang matakot o mag-alangan sa pagpapataw ng hustisya sa kahit pa pinakamabigat na kriminal.
Dapat may training sila sa epektibong pagpoprotekta sa sarili, dapat may security sila at dapat may hazard pay.
Para rin ‘yang kaso ng mga pulis, na hindi nila magagampanan ang kanilang mga tungkulin nang mahusay kung hindi muna sila nakasisiguro na sila ay ligtas, protektado, at maging ang kapakanan ng kanilang pamilya ay isinasaalang-alang ng bayan.
Minsan kasi siguro, na sa pilit na ipanakikitang tapang at tatag ng loob ng mga Huwes para makapaglingkod nang tama at tapat sa bayan ay nakalilimutan natin na sila rin ay tao lang.
May kahinaang pisikal at may mga pamilyang kailangang suportahan at protektahan.
Sa katunayan, maging ang mga judge, sa pangunguna ni Judge Ralph Lee, presidente ng Philippine Judges Association (PJA), ay nagtipon-tipon, nangalap ng donasyon at nagsagawa ng sariling pagtulong sa mga judge na naging biktima ng bagyong Yolanda.
Tulad ng marami sa atin, nasalanta ang ilang mga Huwes at mga miyembro ng Judicial branch of government.
Tulad ng iba, nangangailangan sila ng tulong.