NAGPAPASALAMAT ako sa Diyos at nabigyan ako ng isang pagkakataon para makabawi naman sa aking mga magulang para sa lahat ng nagawa nila sa akin.
Ito ay sa pamamagitan ng pinagdaraanan ng aming buong pamilya dahil sa sakit ng nanay ko na psychological daw in nature.
Sabi ng doctor niya, successful naman ang pacemaker insertion niya at maayos naman ang kanyang kalusugan at katawan. Pero mahirap kung ang pasyente na mismo ang sumusuko at ayaw gumaling.
Mahirap isipin na mangyayari ito sa isang double degree cum laude tulad ng nanay ko.
Pero ito ngayon ang aming hinaharap. Anxiety syndrome o deep depression daw ang tawag dito.
Ang hirap at nakapu-frustrate dahil ang dating ordinaryo ay naging komplikadong bigla.
Yung basic na pag-communicate ay pahirapan dahil sa kanyang kondisyon. Kung may episodes siya, palagi siyang nakapikit.
Ayon sa psychiatrist, ito ang kanyang paraan para i-shut off ang kanyang sarili sa reality o sa mundo.
Bilang Katoliko, ako ay naniniwala na may dahilan ang lahat ng bagay.
Pwede naman kaming magmukmok at panghinaan ng loob tulad ng iba, ngunit pinili namin na isipin na may itinuturo sa amin ang Panginoon sa sitwasyon na ito.
Lahat ng nangyayari sa atin ay pagkakataon para lalo tayong mapabuti bilang tao. Ito ang mga oportunidad para maging mas mapagkumbaba, mas mapagmahal, mas mapagpasensiya.
At bakit nga hindi?
Kung meron mang tao na karapat- dapat nating pagmalasakitan at pagsakripisyuhan –ito ay ang ating mga magulang.
Salamat talaga sa Diyos sa pagmumulat nito sa akin habang may panahon pa para maramdaman pa ito ng aking mga magulang.
Sa totoo lang, hindi pa sapat ang lahat ng ating ginagawa ngayon para sa ating mga magulang.
Napapanahon na, na sa kanilang edad kung saan parang bumabalik na sila sa pagiging sanggol ay tayo naman ang mag-aaruga sa kanila nang may pagmamahal, tulad din ng pag-aaruga at paggagabay na galing sa puso na ibinuhos naman nila sa atin noong tayo ay nasa murang edad pa lamang.
San Jose, tulungan ninyo kaming tularan ang pag-aalagang ibinuhos sa inyo ni Hesus bago kayo pumanaw na yakap-yakap ng inyong mag-inang si Maria at si Hesus.
The post HONOR THY FATHER AND MOTHER appeared first on Remate.