UMABOT sa mahigit 100 nursery pupils mula sa ibat-ibang barangay sa lungsod ng Pasay ang aktibong lumahok sa “Nutrition Month” upang iparating sa publiko na kabahagi sila sa isang programa na magpapatigil sa malnutrisyon at pagkagutom sa bansa.
Sa pamamagitan ng mga kasuotan na may iba’t ibang disenyo ng gulay at prutas ay nagmartsa ang mga batang mag-aaral mula sa Rivera Village Day Care Center ng barangay 199, zone 20 patungo sa Our Lady of Airways (OLAP) basketball court ng barangay Pildera 2.
Ayon kay Ginang Vicky Tabes, teacher ng RVDC, taun-taon ay pinahahalagahan nila ang ganitong uri ng selebrasyon na may temang “Gutom at Malnutrisyon, Sama-sama nating Wakasan” kung saan ay ipinararating ng mga batang nursery ang kabutihang dulot ng mga pagkaing gulay at prutas sa kalusugan ng tao.
“Mas mabuti nang malaman ng mga bata na ang kinakain nilang gulay at prutas ay punong-puno ng sustansiya sa katawan dahilan din upang makaiwas sila sa malnutrisyon,” ayon kay Jojo Sadiwa, Pangulo ng Rivera Day Care Center.
Kabilang din sa mga karatig barangay na lumahok sa parada ay ang barangay ng Pildera 1 at 2 na hindi kalayuan sa NAIA terminal 1.
The post 100 nursery pupils lumahok sa ‘kontra gutom at malnutrasyon’ appeared first on Remate.