PLANO ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ipanukala ang pagbibigay ng mula P100 hanggang P200 buwanang ayuda sa mga manggagawang sumasahod ng minimum wage bilang pang-agapay sa epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, hindi kakayanin ng gobyerno ang P500 monthly subsidy na inihihirit ng mga grupo ng mga manggagawa.
“I would attempt to recommend mga one to two hundred (pesos) na subsidy… Kung kakayanin ng ating gobyerno, ‘yong financial, why not? Pero kung hindi, hanggang [sa] kaya lang natin,” ani Bello, sa isang panayam.
Wala kasi umanong nadadagdag sa iniuuwing kita ng mga minimum-wage earner kahit tumaas ang take-home pay alinsunod sa reporma sa income tax na nakapaloob sa TRAIN.
Ngayon pa lamang naman ay tutol na dito ang grupong Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), at sinabing kulang ang P100 hanggang P200 na tulong sa sangkaterbang pasanin ng mga kumikita ng minimum, na siya anilang breadwinners ng pamilya, mayroon sinusuportahang asawa, may mga anak at higit sa lahat, sa kanila nagdedepende ang kaniyang mga magulang.
Umaasa naman ang ALU-TUCP na kung hindi uubra sa mga economic manager, ay makikita ni Pangulong Rodrigo Duterte ang halaga ng pagbibigay ng ayuda sa mga miniumum-wage earner.
Nagbabala pa ang tagapagsalita ng grupo na si Alan Tanjusay na posible rin daw humina ang suporta ng publiko sa pangulo kapag napabayaan ang mga manggagawa.
“Maaapektuhan iyong kaniyang popularity rating, performance rating, kapag tinanggihan niya ‘yong ayuda sa mga manggagawa,” aniya. MACS BORJA