KUSANG-LOOB na sumuko sa pulisya ang isang pulis Maynila na umano’y aksidenteng nakabaril at nakapatay sa isang menor de edad sa slaughterhouse sa Tondo, Maynila.
Ayon kay P/C Insp. Rommel Anicete, hepe ng Manila Police District –Homicide Section, ang kusang pagsuko ni PO2 Omar Malinao Formentera ay upang linisin ang kanyang pangalan hinggil sa insidente.
Nabatid na si Formentera ay naka-assign bilang area police security sa nasabing lugar kung saan mayroon umanong mga intruder na nagtatangkang magnakaw ng mga bakal.
Nagbigay umano ng warning si Formentera upang umalis sa compound ang nasabing mga ‘di awtorisadong indibidwal ngunit nang-asar pa umano ang mga ito habang kumakaway at nagpaulan pa ng bato sa direksyon ng pulis.
Ilang sandali pa ay nakarinig ito ng putok ng baril mula sa kinaroroonan ng nasabing grupo at nang magtatago ito hawak ang kanyang service firearm ay aksidente itong nadapa at napitik ang gatilyo ng kanyang baril at pumutok nang isang beses.
Inaalam naman ng pulisya kung kay Formentera nga galing ang putok ng baril na nakabaril at nakapatay noong Biyernes ng gabi sa biktimang si Aldrine Pineda, 13, grade 6 student, ng Unit 309 Bldg. 8, Katuparan, Vitas, Tondo matapos itong tamaan habang nakaupo sa konkretong bakod ng Vitas Saughter House.
Nang malaman ang insidente ay agad na nagtungo si Formentera kay Smokey Mountain PCP Commander PSI Dave Abarra upang isuko ang sarili.
Isinurender din ang kanyang service firearm na 9mm kalibre, glock 17 at mga bala kung saan sumailalim na rin sa ballistic at paraffin test.
Ayon kay Anicete, sa ngayon ay hindi pa masasabing suspek si Formentera dahil hindi pa lumalabas ang resulta ng ballistic at paraffin test nito na sa kanya nagmula ang balang kumitil sa buhay ng menor-de-edad. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN