GAANO ba kahanda ang mga Pinoy na doktor, nars at iba pang medical practitioner na humarap sa nakahahahawa at nakamamatay na COVID-19?
Tinatanong natin ito sa harap ng paglabas ng mga ulat na meron nang 13 doktor at nars na namamatay sa nasabing sakit.
MGA BIKTIMA
Heto, mga Bro, ang listahan ng mga doktor, pwera nars, na namatay.
Si Dr. Liu Zhiming, 51 anyos, na naging direktor o pinuno mismo ng Wuchang Hospital.
Pinamatanda si Dr. Liang Wudong sa edad ana 62.
Namatay rin si Dr. Jiang Xueqing, 55, pinuno ng thyroid at breast surgery sa isa ring ospital sa Wuhan.
Kasama sa mga namatay sina Dr. Mei Zhongming, 57; whistle-blower doctor na si Li Wenliang, 33; Dr. Xia Sisi, 29, gastro-enterologist at Dr. Peng Yinhua, 29.
Kung papansinin ninyo, mga Bro, pawang malulusog at karamihan bata ang mga namatay na doktor.
Sinasabing karaniwang mga may edad at dati nang may iniindang sakit ang madaling kapitan ng COVID-19 saka mamatay.
PAANO NAMATAY?
Marami ang dahilan.
Una, sinasabing pagod na pagod at puyat na puyat hanggang nanghina sa katawan ang mga doktor.
Ikalawa, karamihan sa mga ito ang nahawa sa simula pa lamang dahil hindi kaagad na nakapagsuot ang mga ito ng Personal Protective Equipment na binubuo ng mga N95 face mask, gloves, kapote, boots at iba pa.
Ikatlo, wala pang nakatitiyak noon na talagang nakamamatay ang sakit at isang uri ng deadly na corona virus ang COVID-19 na tila pinagsama umanong Severe Acute Respiratory Syndrome at Middle East Respiratory Syndrome.
Ikaapat at pinakamatindi sa lahat, sapilitang silang nahawa dahil sila ang nasa gitna ng laban sa sakit, araw at gabi, simula nang pumutok ang sakit sa Disyembre 2019 hanggang sa kasalukuyan.
Nito lang nagdaang mga araw ang pinakahuling namatay na si Zhongming na isang optalmologist at dabarkads ni whistle-blower Li Wenliang.
USA, ITALY,
S. KOREA, CHINA
Pawang malalakas at mayayaman ang mga bansang ito kaya naman kumpleto at napakamoderno ang mga kagamitang pang-ospital at pang-doktor nila at may magagandang gamot.
‘Yun bang === wala ka nang masasabi pa sa sistemang pangkalusugan ng mga ito.
Pero nasisingitan sila ng COVID-19 at problemang malaki nila ngayon ang dumaraming kamatayan sa sakit.
Ang USA, may 9 nang patay; Italy – 79; South Korea -28; at China – 3,000.
Habang sinasabing bumababa ang bilang ng mga nahahawa at namamatay sa China, mabilis namang nagaganap ang kabaligtaran nito sa nasa 60 bansa na ngayon, kasama ang USA, South Korea at Italy.
Wala namang nakatitiyak na hindi ito magaganap sa Pilipinas sa rami ng mga Pinoy na umuuwi mula sa nasabing 60 bansang may COVID-19.
Pwera pa ang mga dayuhan na may hawak ng permanent visa mula sa ating pamahalaan.
NAKAPANININDIG-BALAHIBO
Alam ba ninyong nakapaninindig-
balahibo ang posibilidad na kaunti lang sa mga doktor, nars at iba pang medical professional natin ang handang lumaban sa COVID-19?
At maaaring ganito rin ang kalagayan ng mga ospital sa bansa.
Nagaganap kasi ang mga ito mismo sa England na pinasok na rin ng sakit.
Sa survey sa nasa 1,600 doktor, walo lang ang nagsabing hindi handa ang National Health Service na lumaban sa sakit.
Ang NHS ang pinakamalaking health provider sa nasabing bansa para sa mga single taxpayer at pinopondohan at pinatatakbo ng pamahalaan.
Kabilang sa mga pinakamalaking kakulangan ang pagkakaroon ng napakaliit na bilang ng mga doktor at nars at kakaunting mga ospital na pupwedeng doon ilagay ang maraming pasyenteng may COVID-19.
Dahil dito, punuan ang mga ospital ng NHS sa ngayon at kakaunti ang nag-aasikaso sa mga pasyente.
SA PILIPINAS?
Hindi natin matatawaran ang pagiging Good Samaritan ng mga doktor at nars na Pinoy.
Ang katotohanan, marami sa mga ito ang nagseserbisyo nang libre o kaunti lang ang singil sa mga mahihirap.
Pero paano ang mga doktor at nars natin sa mga pampublikong ospital na masasabi nating katumbas ng NHS sa England?
Hindi ba maraming public hospital ang kakaunti ng doktor at nars?
At kung marami ang mga nakaputi na umiikot sa mga ospital na ito ay dahil mga “On the Job Training” na doktor at nars.
CONSUELO DE BOBO
Muli, masasabi nating talagang maraming Good Samaritan sa mga medical professional natin.
Pero paano kung sa COVID-19 sila ihaharap?
Gaano sila kahanda sa personal na lebel na maaari silang magkasakit at mamatay?
Aminin man o hindi ng mga doktor, marami sa kanila ang mas gustong magkamal ng malalaking halaga ng salapi sa panggagamot kaysa magserbisyo nang libre.
Consuelo de bobo ang lakad ng mga ito sa mga libreng serbisyo at ang totoo, dito sila nangangalap ng mga pasyente na pupwede nilang pagkakitaan.
Maaasahan ba ang mga ito na makibaka sa COVID-19 na nangangailangan ng mga katakot-takot na oras at 24/7 na sakripisyo?
At maaaring madamay ang buong pamilya, lalo na kung may halo nang kamatayan?
Sana naman, hindi bibiguin ng mga doktor, nars at iba pang medical professional natin ang mga mamamayan na mangangailangan ng lubos na tulong sakaling umatake ang COVID-19 sa bansa nang katulad sa ibang bansa.
The post 13 DOKTOR, NARS PATAY SA COVID-19; SA PILIPINAS? appeared first on REMATE ONLINE.