KUNG hindi nahihiya si Col. Glen Dumlao sa mga taga-Cavite, sana man lang ay mahiya siya sa Republika ng Pilipinas at sa buong Philippine National Police sa ibinigay sa kanyang ikalawang pagkakataong makapagsuot ng tsapa.
Ang serye ng reklamo ng mga barangay at karaniwang tao sa Cavite laban kay Dumlao ay nagpapakita ng kawalan niya ng utang na loob sa estado na muling kumilala sa kanya bilang alagad ng batas.
Kung babalikan ang kasaysayan ni Dumlao, balde-baldeng luha ang kanyang naubos sa pagmamakaawang siya’y paniwalaan ng publiko na wala siyang kinalaman sa Kuratong Baleleng rubout at sa kaso ng pagpatay kina Bubby Dacer at Emmanuel Corbito.
Maraming tao ang nakisimpatiya sa kanya at ang mga pagbabago sa takbo ng pulitika sa bansa ang naging daan para siya’y mapawalang-sala at kalaunan ay makabalik sa serbisyo.
Ang tanong, ang panghaharas ba na ginagawa ng grupo ni Dumlao sa Cavite ay bagay sa kanyang ikinikilos kumpara noong para siyang maamong kordero na nagsusumamo sa publiko?
Mismong sina Atty. Salvador Panelo na nag-press conference pa ang kumakastigo kay Dumlao at sa kanyang mga tauhan dahil sa reklamo ng ilang political leader at ilang barangay sa Cavite.
Naniniwala tayong dapat bigyan ng pagkakataon si Dumlao na makapagserbisyo sa PNP subalit hindi sa paraang makapipinsala ng mga karaniwang mamamayan.
Kung ang mainit na takbo ng pulitika sa Cavite ang nagtutulak sa mga pulis na pumanig sa kaninomang partido, aba’y maghunos-dili po kayo.
Ang kailangang maging papel ng PNP sa panahon ng eleksyon ay gumitna at manatiling disipolo ng tagapamayapa.
Nananawagan tayo kay General Alan Purisima na habang wala pang nagiging dugo ay aksiyunan na niya ang reklamo ni Atty. Panelo bago pa mahuli ang lahat. Baka mas makabubuti kay Col. Dumlao na ma-assign sa administrative task sa loob ng opisina ng Chief PNP para hindi na maging sanhi ng anomang tensyon sa labas.
***
Ang malaking problema ni Dumlao, sa tuwing kumikilos siya ay hindi mahiwalay ang pangalan ni Senador Ping Lacson na dati niyang boss sa PAOCTF.
Kahit walang kinalaman si Lacson sa kanyang mga ginagawa, ang naiisip palagi ng mga taga-Cavite ay nakakasangkapan ang pangalan ng senador nang wala siyang nalalaman. Naniniwala tayong hindi alam ni Senador Ping ang ginagawang ito ni Dumlao kahit sabihin pang kandidato ang kanyang anak na si Jay.
Matindi ang pagkilos ni Cardinal Tagle para sa pagkakaroon ng peace covenant sa Cavite pero kung patuloy na iinit ang sitwasyon dahil sa partisan cops, aba’y baka hindi magpatuloy ang kapayapaan d’yan.
Col. Dumlao, baka puwedeng manguna ka sa pagsusulong ng kapayapaan at huwag ka nang makialam pa sa pulitika ng mga Caviteño.
allanpunglo@yahoo.com