PABOR na pabor ako sa pahayag ni Department of Energy Officer-in-Charge Zenaida Monsada na tuluyang ipasara ang operasyon ng Semirara Mining and Power Corporation sa Caluya, Antique kung mapatutunayang may mga paglabag ito kaya namatay ang siyam nitong manggagawa nitong Hulyo 17.
Ang problema, ayon kay Monsada, kapag nagsara ay magkakaroon ng malaganap na brownout sa Luzon at Visayas, sapagkat ang Semirara ang nagsusuplay ng uling o karbon sa malalaking planta ng kuryente sa mga nasabing lugar.
Kung magkaroon ng brownout, maraming negosyo ang titigil sa operasyon. Maraming manggagawa ang titigil din sa pagtatrabaho, kaya tigil din ang sahod. Sapul na sapul ang ekonomiya.
Upang huwag mangyari ito, ang solusyon ay umangkat ng uling o karbon ang Pilipinas, diin ni Monsada na siguradong mauuwi sa pagtaas ng presyo ng kuryente.
Napakalawak ng operasyon ng Semirara dahil 92% ng kailangang karbon sa kuryente ng bansa ay galing sa kumpanyang ito. Kaya pala napakalakas ng loob ng Semirara na kompanya ng DMCI Holdings, Inc. na pag-aari ni David Consunji.
Sa ganitong sitwasyon, tila matagal nang nakatutok ang baril de sabog ng DMCI-Semirara sa mamamayang Pilipino na kapag umangal ay malawakang brownout ang mangyayari sa Luzon at Visayas.
Kung hindi tayo aangkat ng karbon at papayagan nang ipagpatuloy ng DOE ang operasyon ng DMCI-Semirara ay bababa ba ang singil sa kuryente sa Luzon at Visayas? Hindi naman, ‘di ba?
Katunayan, napakataas ng singil ng kuryente sa Pilipinas kumpara sa mga katabi nitong bansa. Ang mataas na singil sa kuryente ang siyang matagal nang reklamo ng mga dayuhang imbestor/negosyante, kaya hindi malaganap ang mga dayuhang namumuhunan sa Pilipinas.
Kung ako ang tatanungin, dapat lamang na tuluyan nang ipatigil ang operasyon ng DMCI-Semirara. Ikalawa, panagutin ang DMCI-Semirara sa mga kasalanan nito sa mga manggagawa nito at kalikasan. Ikatlo, bigyan-diin ng DOE ang Renewable Energy (RE) sapagkat bukod sa napakalaking matitipid natin sa gastusin sa kuryente, ligtas pa ang kalikasan at kapaligiran natin.
Sa RE ay walang baril de sabog na itututok sa mamamayang Pilipino.
***
Problema at reaksyon n’yo, itawag sa: 09985650271, o mag-email sa: akosibadilla@yahoo.com BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA