HINIMOK ni Senate President Franklin Drilon si DILG Sec. Mar Roxas na magdeklara na kung tatakbo ito bilang Pangulo sa halalang 2016.
Ang paniwala ni Drilon, hanggang walang malinaw na deklarasyon si Roxas ukol sa kanyang ambisyon ay hindi bubuhos ang suporta sa kalihim at hindi aangat ang survey nito.
Mali ang pananaw na ito ni Drilon. Noon pa man, alam na ng lahat na si Roxas ay balak tumakbo sa pagka-Pangulo. Wala pa mang eleksyon, batid na sa mga galaw ni Roxas ang kanyang ambisyon.
Kaya nga siya itinalaga sa DILG upang hindi maging mahirap sa kanya na maagang makapangampanya sa lokal. Madali niyang malalaman ang mga galawan sa mga gobernador at mayor. ‘Yun bang malalaman agad niya, bilang DILG secretary, kung sino ang dadalhin ng mga lokal sa pagka-presidente.
Malaking bentahe na kay Sec. Mar ang pagkakalagay sa kanya sa DILG dahil kontrol niya pati ang pulis at ang BJMP.
Kung naging mahusay siya sa pagpapahusay sa kabutihan ng mga pulis, tiyak na dala na siya ng 150,000 pulis at pamilya nito. May ilang pamilya ba ang bawat isang pulis? Kung naging magaling siya sa pagpapahusay rin ng mga bilangguan, tiyak nang botante na niya ang mga preso.
Hindi na kailangan ang mga survey para malaman kung magwawagi si Roxas. E bakit bagsak sa mga survey rating si Roxas kahit malayo pa ang halalan, alam nang siya ang mamanukin ni Pangulong Aquino.
Damay si Roxas sa maraming kapalpakan sa pamahalaan ni Aquino. Ang totoo, hindi niya kailangan ang endorso ni PNoy. Kung maaga niyang pinagbuti ang kanyang mga trabaho at hindi umasa na babasbasan ni PNoy matagal na siyang rumeremate sa survey. Kahit pa tumataas siya sa huling sarbey, nasa pang-apat pa rin siya at malayong-malayo sa nangunguna ngayong si Sen. Grace Poe.
Huwag siyang maniwala na makatutulong sa kanya ang endorso ni PNoy. Mismo ngang si PNoy, e, bumagsak ang kredibilidad at integridad sa mga sarbey.
Wala nang hatak sa taumbayan ang Presidenteng ito. Ni hindi na nga ito pinaniniwalaan e.
Sa halip, dapat pa nga siyang kabahan dahil baka kamukat-mukat e, ang paborito ng bayan na si Sen. Grace ang iendorso pa ni Aquino.
Kung gusto mo, Sec. Mar, na tumaas ang iyong rating hanggang sa manalo sa halalan, ngayon pa lang ay mag-alsa-balutan na po kayo sa Gabinete ni PNoy at magsarili ng lakad. KANTO’T SULOK/NATS TABOY