TODAS ang tatlong lalaki habang isa pa ang malubhang nasugatan matapos ratratin ng apat na armadong kalalakihan habang nag-iinuman sa Barangay Hulong Duhat, Malabon City, Biyernes ng gabi.
Dead on the spot sa pinangyarihan sina Ronillo Malinao y Macapugas, alyas Elo, may-asawa, taga-M. Blas St. Hulong Duhat; Elmar Tulipas y Mebdez, 41-anyos, ng Dulong Tanza Navotas City; at Melvin Luciano y Rosillo, 37-anyos, residente ng Celia St., Bayan Bayanan, Malabon, dahil sa mga tinamong tama ng kalibre .45 sa iba’t ibang parte ng katawan.
Inoobserbahan naman sa Tondo Medical Center si Ronald Pinos y Resurrecion, alyas Noknok, 28, ng Dulong Tanza Navotas Cit, sanhi rin mga tinamong punglo ng kalibre .45 sa katawan.
Mabilis namang tumakas ang apat na suspek kung saan isa rito ay nakilala lamang sa alyas na Emon na taga-Dulong Tanza, Navotas.
Base sa imbestigasyon ni SPO1 Redentor Mantala Jr, ng Station Investigation Division (SID) ng Malabon police, dakong alas-11:50 ng gabi nang maganap ang krimen sa kalye Pascual ng nasabing barangay.
Nabatid na nag-iinuman ang mga biktima sa nasabing lugar nang biglang dumating ang grupo ni Emon na pawang armado ng kalbre .45 na baril at agad silang pinagbabaril.
Nabatid, ang mga namatay ay kapwa may mga nakabingbing kasong illegal possession of firearms sa korte.
Nakarekober sa pinangyrihan ang mga tauhan ng Scene of Crime Operatives (SOCO) ng maraming basyo ng kalibre .45, at isang magazine ng .45 baril na may 9 na live ammos.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad at inaalam ang tunay na motibo sa nasabing krimen.