BALIKAN natin, mga pare ko, itong kalsada sa Moriones St., Tondo, Manila, lalong-lalo na sa barangay na sakop nitong si Brgy. 123 Zone 9 Barangay Kap. Mario Banal na hanggang sa kasalukuyan ay nakahambalang pa rin ang iba’t ibang sasakyan sa kaliwang bahagi ng kalsada.
Minsan pa nating dinaanan ang nakasusulasok na kalsadang nasasakupan ni Kap. Banal na sa bukana pa lang ay masusuya ka na sa mga nakahambalang na mga sasakyan sa kalsada.
Masikip na masikip na nga ang kalsada dahil sa ubod ng trapik ay nadagdagan pa ng mga nakaparadang truck, bukod pa sa mga nakasalansan na mga case ng bote ng iba’t ibang softdrinks.
Ewan ko kung bakit hindi mapatino at maayos ni kapitan ang barangay niya ganong siya lamang ang may kapangyarihan para utusan at pagsabihan ang mga ka-barangay nito na ayusin ang pagpaparada ng mga sasakyan ng mga ito upang hindi makasagabal sa mga dumaraan na motorista.
Ang kalsada ng Moriones ay pampublikong daanan hindi ito pribado kaya walang karapatan ang sinomang residente rito na harangan at paradahan ang kalsada.
Ano na, Kap. Banal, ano ba ang hinihintay n’yo. Pasko?
Kumilos naman kayo para hindi ko naman kayo paghinalaan na tumatanggap ng lagay sa mga nakahambalang na sasakyan sa mga kalsada sa Moriones.
BOOKIES LANTARAN SA IBAAN
Namamayagpag pa rin ang operasyon ng bookies ng STL ni Jerry Acebo sa Ibaan, Batangas.
Samantala patuloy naman na nagbibingi-bingihan si Ibaan Mayor Jay Toreja sa lantarang bookies ni Jerry Acebo. Hmmm!
Hindi ko sinasabi na tongpats si mayor kay Acebo.
Ang tanong ay magkano kaya kung patong nga si mayor?
***
Anomang reklamo o puna ay i-text lang sa 09189274764, 09266719269 o i-email juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA