PINAYAGAN ng Commission on Elections (Comelec) na muling makaboto sa May 13 midterm elections ang mahigit sa 200,000 Overseas Filipino Voter (OFV) matapos na ibalik sa listahan ng mga botante ang mga pangalan ng mga ito.
Ayon Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr., batay sa kanilang inaprubahang resolusyon, nasa 238,000 OFV, na bigong makapagsumite ng manifest of intent to vote sa midterm elections, ang ibinalik nila sa listahan ng mga botante.
Bunga aniya ito nang pakikipagdayalogo ng isang grupo ng mga OFWs kay Comelec Commissioner Grace Padaca kung saan hiniling ng mga ito na payagan silang makaboto matapos silang matanggal sa listahan.
Pinagbigyan naman ng Comelec ang hiling ng mga OFWs at pinayagan silang muling makaboto.
Nabatid na ang kinakailangan lamang gawin ng mga ito ay lumabas at bumoto sa itinakdang voting schedules sa kanilang kinaroroonang bansa.
Alinsunod sa election laws, ang mga nabibigong makaboto sa dalawang magkasunod na halalan ay dine-deactivate na ang rehistro at hindi pinapayagang makaboto.