ASAHAN na raw ang patuloy na pag-init ng panahon sa linggong ito, ayon sa mga eksperto.
Nakababahala ang advisory na ito lalo’t naranasan natin ang napakainit na panahon nitong nagdaang mga araw na, ayon sa PAGASA, umabot sa 39.7 degrees celsius ang pinakamainit na temperatura ang nai-rekord.
Ang sabi ng mga eksperto, ang pinakamainit na oras ay nasa pagitan ng alas 8:00 ng umaga hanggang alas 4:00 ng hapon, kaya kung wala namang importanteng lakad ay tumigil na lang muna sa inyong mga bahay sa mga oras na nabanggit.
Kung hindi naman maiiwasan na lumabas ng bahay ay magdala ng tubig o basang face towel para kung sakaling makaramdam ng pagkahilo at panghihina ay may mainom kayong tubig.
Kailangan ding maligo araw-araw, kung puwede nga lang ay hindi lang sa umaga kundi pati na rin sa hapon at gabi.
Ano nga ba ang dapat nating gawin para mabawasan ang init na ating nararanasan sa kasalukuyan?
Naghahanda na rin daw maging ang Department of Energy (DoE) sa inaasahang pagdating ng pinakamainit na linggo na magsisimula ng Mayo 18 hanggang Mayo 24.
Aminado raw itong si DoE Secretary Jericho Petilla, na walang magagawa ang gobyerno o kahit na sinong tao para kontrolin ang init ng klima pero puwede naman daw kumilos ang lahat para malimitahan ang epekto nito at isa rito ang pagtitipid sa paggamit ng kuryente.
Dahil nga pinakakritikal ang linggong ito ay asahan na raw natin ang mas malaking demand ng enerhiya.
Wala namang masama kung susundin natin ang mungkahi ni Sec. Petilla na magtipid sa paggamit ng kuryente. Makatitipid na tayo sa bayarin, mababawasan pa ang mararanasan nating init.
KUNG sino man po ang nakapulot ng wallet kong kulay itim na nawala noong nakaraang Biyernes ay pakibalik na lang po sa akin ang driver’s license at mga ID ko, pati na rin po ‘yung ATM card ng anak ko.
Kahit hindi na po maibalik ‘yung lamang pera. Ang importante lang ay ‘yung mga ID.
Maari n’yo pong dalhin sa opisina ng REMATE na nasa ground floor ng National Press Club (NPC) Bldg. o kaya ay sa Manila Police District (MPD) Press Corps na nasa UN Avenue, Ermita, Manila o sa Quezon City Police District (QCPD) Press Corps sa may EDSA/Kamuning sa Quezon City.
***
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo o hinaing, suhestyon at komento, mag-text lang po sa 09087230036 at 09156588600.
The post PINAKAMAINIT NA PANAHON MARARANASAN NGAYONG LINGGO appeared first on Remate.