PASUKAN na naman sa eskwela sa susunod na buwan subalit marami pa rin sa mga nagtapos ng high school na nais magkolehiyo ang hindi pa nakae-enroll dahil sa sobrang taas ng matrikula sa mga unibersidad at kolehiyo na nais nilang pasukan.
Mataas na halaga ng tuition, gasolina, bilihin tulad ng bigas, asukal, kape, atbp., singil sa kuryente at tubig, nakaambang pagtaas ng pasahe ang laman ng utak ng mga magulang na nagsisikayod sa araw-araw mabuhay lang ang kanilang pamilya sa marangal na paraan.
Kaya nga ang laking sisi ng mga mahihirap na bumoto kay Presidente Benigno Aquino III dahil walang pag-unlad si Juan dela Cruz sa pamahalaan nito, bagkus lalong nahihirapan ang kanilang katawan at kalooban dahil hindi naman tumaas ang kanilang kita o sahod.
Lalong yumaman naman ang mga namuhunang Don Quijote noong kampanya ni Pang. Noynoy dahil pasimpleng nagbabayad ng utang na loob ito sa pamamagitan ng mas pagbibigay sa kanila ng pagkakakitaan.
Kaya nga puro kalaban sa politika ang tinamaan ng “pork barrel scam” gayong noon pa man ay batid na nilang marami rin sa kakampi ng administrasyong Aquino ang mandurugas at magnanakaw.
Maghugas man ng kamay si Pang. Aquino, hindi pa rin maniniwala ang mga may utak na mamamayan na hindi siya naulingan.
Bakit nga ba mas binibigyang halaga ni Pangulong Aquino ang Enhanced Defense Cooperation Agreement kaysa sa edukasyon ng kabataan? Sa palagay ba ng Malakanyang, armas at bala ba ang sagot sa kahirapan?
Trip lang siguro ng Pangulo na mas bigyan halaga ang pakikipag-away sa ibang bansa kaysa pagbibigay ng magandang edukasyon sa mga kabataang pag-asa ng bayan. Sige na nga, President Aquino and KKKK, walang basagan ng trip.
o0o
UNTI-UNTI nang nalalagas ang mga taong nasa pamahalaan na umalalay kay Pangulong Aquino dahil sa kanilang pagmamahal at paggalang sa namayapang butihing ina nito.
Itanggi man o hindi ni Margarita “Margie” Juico, nagbitiw na chairman ng Philippine Charity Sweepstakes Office, may kinalaman sa kanyang pagbibitiw ang paninita sa kanya ni PNOY ukol sa hindi nila pagkakaintindihan ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas.
Pinagtatakpan lang ni Juico ang Pangulo sapagkat ayaw nitong masira ang imahe nito sa mga tao. Matindi pa rin ang respeto nito kay dating Pang. Corazon Aquino.
Dapat makintal sa utak ng Pangulo na iilan na lamang ang mga taong umaalalay sa kanya dahil sa kanyang ina. Ang mga nakapaligid sa kanya ay umaalalay lamang sa kanya dahil sa pansariling ambisyon na magkapera at makapasok ng todo sa politika.
Payo lang sa mga may sasakyang walang gagawin sa Maynila simula Mayo 13 hanggang 20, 2014, huwag na magtungo rito sapagkat maiinis lamang kayo sa sobrang bagal na daloy ng trapiko bunga ng ipatutupad na “8 day truck ban moratorium.”
The post TRIP LANG NI PNOY appeared first on Remate.