KAGAYA ng mga pangunahing serbisyo, may malaking problemang kinahaharap ang taumbayan sa edukasyon.
Taon-taon, halos lahat ng pribadong paaralan at unibersidad ay humihiling na makapagpataas ng tuition fee.
Ang kanilang katwiran, patuloy ang pagtaas ng mga suplay at gamit sa paaralan, bukod pa ang ginagastos umano sa pagsasaayos ng mga gusali, pang araw-araw na bayarin at pangangailangang magtaas din ng pasahod sa mga guro at mga tauhan.
Sa darating na pasukan, may 353 kolehiyo at unibersidad ang iniulat ng Commission on Higher Education (CHED) na humihiling ng pagtaas ng tuition hike, maliban sa mga paaralan sa Eastern Visayas na lugmok pa rin sa hagupit ng bagyong Yolanda.
Ang edukasyon ang isa sa pinakamalaking pinagkakagastusan ng mga Pinoy.
Sa 40 porsyento umano ng populasyong tinatawag na “mahirap” o ‘yung mga “isang kahig, isang tuka”, ang edukasyon ay itinuturing na lamang nilang luho.
Ibig-sabihin, mas mahalaga pa sa kanila ang may mailaman sa sikmura kaysa makapasok sa eskwelahan.
At hindi lang ang mahihirap ang umaangal sa napakamahal at “maluhong” edukasyon.
Maging ang mga may kaya sa vocational school ay nagrereklamo sa patuloy na tuition hike.
Ang masaklap, maraming kolehiyo, unibersidad o vocational schools na “substandard” pa rin ang pagtuturo.
Ang mga “substandard school” na ito ang dahilan kung kaya maraming nagsisipagtapos ang bigong makapasa sa professional licensure exams.
Mantakin n’yo, matapos silang pagbuhusan ng dugo at pawis ng kanilang magulang para makapagtapos, sa wala rin ito nauwi?
Kasi’y bigo ang CHED na i-regulate o kontrolin ang nagkalat na substandard schools ‘pagkat marami sa mga ito ay pag-aari ng mga politiko o kaya’y ng kanilang mga kamag-anak.
Habang maraming magulang ang tumitingin sa edukasyon na gabay sa magandang kinabukasan ng kanilang mga anak kahit pa sumuka ng dugo sa pagbabayad ng napakamahal, nakalulungkot na maraming kolehiyo at unibersidad na bagsak ang antas ng kanilang pagtuturo.
Idagdag pa sa problemang ito ang kakapusan ng oportunidad o kawalan ng programa sa trabaho ng gobyerno.
Tingnan n’yo ang libo-libong graduates, nakaistambay dahil hirap makapasok sa trabaho, batay sa kanilang pinagsunugan ng kilay o inaral.
Batid nating ang edukasyon ay isang negosyo para sa mga nagmamay-ari ng mga paaralan.
Pero sana, ang napakamahal na paniningil ng tuition fee ay tapatan naman nila ng maayos na serbisyo.
‘Yun bang pagtuturong may mataas na kalidad at hindi gaya sa “Iskul Bukol” na nabibili ang grado sa isang kilong longganisa.
The post ISKUL BUKOL appeared first on Remate.