WALANG kahihinatnan ang pagpupursige ni DILG Sec. Roxas na malinis ang Region 4-A sa operasyon ng iligal na sugal na sanhi ng lumalalang krimen sa lugar na ito ng bansa.
Ito’y dahil sa wala namang ginagawang aksiyon ang kanyang itinalagang director na si C/Supt. Benito Estipona para buwagin ang sindikatong kumilos sa rehiyon.
Tila, hindi alam ni Gen. Estipona na siya’y na-appoint sa kanyang bagong puwesto sa bisa ng matinding kaguluhan sa kanyang hurisdiksyon, ang huli ay ang Atimonan incident. Ang gambling lord na si Vic Siman at 12 iba pa, ilan sa kanila ay mga pulis, ay sinasabi ng NBI report na biktima ng rubout na pakana ng kalaban nito sa jueteng operation sa Region 4-A. Ang Atimonan incident ang dahilan kaya sinibak ni Sec. Roxas si C/Supt. James Melad at ipinalit si Gen. Estipona bilang R4-A police director.
Si S/Supt. Rosauro Acio ay sinibak din sa posisyon bilang Batangas police director dahil sa pagkamatay ng tauhan ni Siman na si Francisco ‘Pandoy’ Morales.
Hinihinala kasi na si Morales ay nilikida ng mga tauhan ni Col. Acio para hindi na makapagsalita pa ito ukol sa partisipasyon ng kapulisan sa jueteng operation. Si Morales daw ang bagman ni Siman na nakaaalam ng lahat ng mga opisyal ng kapulisan na mayroong tongpats sa jueteng o STL-bookies money.
Sa Batangas, sinabi ng chokepoint police insider na umalagwa muli ang gambling operation sa pagkaka-reappoint ni Col. Acio bilang Batangas PD. At isang nagngangalang ‘Dodjie’ na nagpapakilalang bata ni Gen. Estipona at Col. Acio ang nagbigay ng blessing para sa re-opening ng mga sugalan sa lalawigan. Isang PO3 Violan at SPO4 Abcede ang ginagamit ni Dodjie sa pangongolekta ng tong money para umano sa kanilang mga amo sa R4-A headquarters at provincial command.
Kinokolektahan nila ang gambling lord na sina Virtucio, Indo, Ineo ng San Jose at saklaan sa sabungan sa Brgy. Aguila. Sangkatutak din ang video karera nina Celo at Teddy sa halos lahat ng mga barangay ng naturang bayan at naglalagay ang mga ito sa grupo nina Dodjie.
Kasali sa collectibles nina Dodjie ang saklaan nina Celso at isang pulis sa sabungan sa Brgy. Quilib, Rosario at Nelson at Fress sa San Juan. Kinokolektahan din ang mga Tanauan lord na sina Jun Ocampo, Dama, Kancio, Ulango, Dexter, Angel, Ed Villanueva, Obet Malabanan at Teryo. Sa San Pascual at Bauan ay may mga koleksyon din kina Minda at Nene; sa Rosario, kina Digo at Igna sa Sto. Tomas; kina Alex, Jojo at Mario ng San Jose at Lito ng San Miguel at Oslo ng Mabini. Sa Alitagtag ay kinokolektahan si Togs, sa Cuenca ay si Eming, sa Balayan ay ang pa-bookies ni JR., sa Lian ay ang pa-lotteng ng isang ret. police na si Resty at Estacion; sa Calaca ay STL bookies ni Gatdula at bookies pa rin ng ret. police na si Juaning at ang STL bookies operation pa rin ng magkapatid na Fajardo sa Malvar.
Abangan ang mga pergalan o peryahan na front ng pasugalan at mga tupadahan na kinokotahan din nina Dodjie.