Ayon sa Chinese calendar, tayo ay nasa year of the snake.
Ngunit kung ang Christian Bible ang inyong babasahin, ang year of the snake ay nagsimula nang himukin ng ahas si Eva na kagatin ang bawal na prutas sa Garden of Eden.
Hindi pa nagkasya si Eva at hinimok din niya si Adan na kainin din ang bawal na prutas
Walang nakaaalam kung ano ang pangalan ng prutas na iyon bagama’t sa kasalukuyang panahon ay mansanas daw ang naturang forbidden fruit.
Ang ahas ay simbolo ng temptasyon at simbolo rin ng trayduran o treachery.
Sa kasalukuyang election season, sino kaya ang ahas o nang-aahas?
Sino ba ang traydor, si Senate President Juan Ponce Enrile dahil hindi fair ang ginawa niyang partehan ng pera sa Senado, o ang grupo ba ng mga senador na kinabibilangan nila Alan Peter at Pia Cayetano, AntonioTrillanes at Miriam Defensor Santiago?
Sino ba talaga ang mga ahas? Ang mga taga-Liberal Party at Nacionalista Party ba o ang United Nationalist Alliance? Mahirap sabihin.
Si Cynthia, ang asawa ni Senador Manny Villar, pangulo ng NP, ay nasa coalition ng LP na ang motto ay tuwid na daan, patutsada sa liko-likong C5 road ni Manny.
Si Vice President Jojo Binay na pro-Cory ay lumaban kay dating Senador Mar Roxas na pro-PNoy.
Ang pro-PNoy na si Chiz Escudero na dating pro-Danding Cojuangco ay nag kampanya laban kay Mar pero ngayon ay nasa ticket din ng LP-NP coalition at nasa ticket din ng UNA.
Sa Maynila, si Vice Mayor Isko Moreno na dating avid fan ni Mayor Fred Lim ay ka-tandem na ni President Erap Estrada na kandidato ngayon for mayor.
Year of the snake ngayon kaya ingat lang tayo at baka tayo ang matuklaw ng mga ahas na mga politiko na ang hangad ay nakawan forever ang mga mamamayan.