MARSO 10, 2014, ipinagmalaki ng Tsina sa buong mundo na hinarang nito at itinaboy ang dalawang barkong sibilyan ng Pilipinas.
Maghahatid sana ang huli ng pagkain, gamot, at iba pang supplies sa BRP Sierra Madre (LT-57) sa Ayungin Shoal noong Marso 9, 2014.
Lubhang nalungkot ang mga Marine sa LT-57. Ito na sana ang pagkakataon na mare-supply ang barko; marelyebuhan sila; muling makabalik sa kabihasnan; at makapiling ang kanilang mga pamilya. Ang hindi alam ng marami, hindi natakot sa pangha-harass ng Tsina, kundi nasiraan ang isa sa dalawang barko na nagmisyon sa Ayungin. Walang nagawa kundi hatakin ito ng isa pabalik sa Palawan kaya hindi nila natapos ang kanilang misyon.
Marso 30, 2014, nagdiwang ang mga Filipino nang “makalusot” ang barko ng Pilipinas sa panghaharang, pangha-harass at muling pagtatangkang itaboy ng mga Chinese ang mga barko ng Pilipinas para sa kahalintulad na misyon.
Nabandila sa media kung paano binully ng Chinese Coast Guard ang barkong naghatid sa mga Marine at mga suplay nila para sa mahigit 5 buwan na naman nilang tour of duty sa Ayungin Shoal.
Ilang beses na hinarang ng CCG ang direksyong daraanan ng barkong sibilyan ng Pilipinas. Binusinahan, pinalalayas, at binantaan pa sa pamamagitan ng two-way radio at LED light panel board ang barko ng mga Pinoy.
Anang mensahe, teritoryo na raw ng Tsina ang lugar. At pananagutan na raw ng Pilipinas ang anomang mangyayaring hindi maganda sanhi ng pagpupumilit nito. Nasaksihan at naranasan ang tensyon ng mga kagawad ng local at foreign media na sakay ng barkong Pinoy.
Tumingkad ang galing ng mandaragat na Filipino kay Navy Lieutenant Ferdinand Gato, kapitan ng barko. Hindi siya nagpakita ng takot sa malinaw na paninindak at panggigipit ng CCG. Sa halip, ginamit nito ang kanyang isip. Dahan-dahan niyang idinako ang kanyang barko sa bahaging “mababaw” kung saan ‘di na makasusunod o makahaharang ang mas malalaking barko ng CCG.
Wala man tayo sa barko ng mga sandaling ‘yon, ramdam na ramdam ang tensyon na nakarehistro sa mukha ng kapitan sa ipinakitang footage sa telebisyon.
Sa aerial photo, makikita na tila ga-langaw lamang ang laki ng barko ng Pilipinas kumpara sa laki ng CCG. Subalit hindi natinag ang kapitan at ang kanyang mga tauhan. Kahanga-hanga ang tapang na kanilang ipinakita.
Nasaksihan ng mundo at ng Tsina mismo ang paninindigan ng Filipino. Subalit higit nating dapat mapagtuunang-pansin ang pagpupursigi ng Filipino na ipaglaban ang kanyang karapatan: ang isulong ang kanyang nasimulan, kahandaang magsakripisyo para sa kapwa at sa bayan at kabayanihan at kagitingang tatak ng bawat sundalong Filipino.
Tama ang mga bansang nagbibigay-babala sa Tsina na tigilan na nito ang panggigipit sa maliliit na bansang umaangkin sa East at South China Seas base sa UNCLOS.
Sa una at ikalawang panghaharang ng Tsina, lumalabag na ito sa International Law. Sa Human Rights Law at sa Law of Armed Conflict, tungkulin ng Pilipinas na tustusan ang pangangailangan ng kanyang mga sundalo na naka-destino sa alinmang military installation nito.
At dahil sa isang commissioned vessel pa rin ang LT-57, ang panghaharang ng Tsina sa anomang resupply mission ay malinaw na isang uri ng embargo o blockade na hindi pinahihintulutan maliban lamang sa bisa ng isang UN Security Council resolution na nag-uutos na gawin iyon.
Ang ginawa ng Tsina ay labag sa batas at maituturing na act of war. Isa ring tahasang paglabag sa Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea ang ginawa nitong panghaharang.
Ayon sa DOC, daraanin ng mga partido sa pamamaraang mapayapa ang kanilang territorial and jurisdictional disputes at hindi kailangang magresulta ito sa pagbabanta o aktuwal na paggamit ng dahas.
Lahat na yatang batas ay nilalabag na ng Tsina: paggamit ng lakas militar, pananakot, at palihim na kilos na unti-unting pananakop sa mga teritoryo ng Pilipinas. Subalit ‘di naman tayo pagagapi sa paninindigan.
Maituturing natin na everyday inspiration ang araw-araw na kabayanihan, pagsasakripisyo, malasakit at paninindigang ipinamamalas ng mga sundalo natin sa LT-57 – ang itinuturing na pinakamahirap at pinakamalungkot na destino sa AFP, ayon kay retired General Ramon Farolan.
Ngayon lang natambad sa kamalayan ng lahat ang panganib at hirap na dinaranas ng mga Marinong ito na literal na nakikipagtitigan sa mga banta sa kanilang seguridad. Isang pagsasalarawan din ng tatag at tapang ng mga Filipino ang ipinamalas ni Lt. Gato.
Ang walang humpay na panggigipit ng mapaniil at makapangyarihang bansa at ang patuloy na pakikipaglaban ng iilan subalit ‘di matatawaran ang angking kagitingan ng mga sundalo sa West Philippine Sea ay isang pagsasalarawan.
Masasalamin doon ang araw-araw na kagitingang ipinamamalas ng mga Filipino sa anomang larangan at hamon ng buhay.
Ito ang dapat na sumimbolo sa mga Filipino – ang maging source ng national pride at damdamin ng pagkakaisa. Nawa’y magising nito ang kamalayan ng iba, na kung gising man ay nananatiling walang pakialam sa maaaring kahihinatnan ng usapin sa WPS.
(para sa inyong reaksyon: edarevalo90@yahoo.com o mag-tweet sa atty_edarevalo).
The post ARAW-ARAW NA KAGITINGAN appeared first on Remate.