ITONG mga kongresman, kung magbiro, ay ganun na lamang.
Very bad joke pa!
P125 NA DAGDAG-SAHOD
Ang very bad joke ay ang pag-apruba ng House committee on labor sa P125 kada araw na dagdag-sahod para sa mga obrero.
Kahit na unanimous at wala talagang kumontra, very bad joke pa rin ito dahil wala talagang pag-asa na umabot sa pangkalahatang pulong ng mga kongresman para aprubahan ito.
Maganda sana ito para sa mga obrero dahil dagdag-sahod nga at makatutulong nang malaki sa mga gulugod ng lipunan.
CONSUELO DE BOBO
Sinasabing may ilang araw pang natitira para maisalang sa plenaryo o pangkalahatang pulong ng mga kongresman ang panukala.
Pero kapag umabot ito sa plenaryo, sa palagay n’yo ba, eh, hindi idaraan ito sa mainitang debate? Ang natatandaan natin, nakararami sa mga kongresman ang ayaw sa dagdag-sahod na ‘yan.
Nakararami kasi sa mga ito ang negosyante o konektado sa mga kompanya na ayaw magpasahod ng todo sa mga obrero.
Isa pa, halimbawang maipasa ito sa Kamara, nakahanda na rin ba ang Senado na isanib dito ang katulad na panukala ng ilang senador?
Nakahanda ba at mabilis bang kumilos ang Bicameral Conference Committee na paplantsa sa gusot dito para maihabol sa pirma ni Pangulong Noynoy?
Dahil imposible talagang mangyari na magiging batas ang panukala sa gipit na kalagayang pagdaraanan pa nito, masasabi nating dito nakataga ang kasabihang “consuelo de bobo” sa mga obrero ito.
Ang gusto lang ng mga kongresman siguro na nag-apruba ay mailagay sila sa rekord para iboto sila ng mga obrero ngayong halalan.
SUBUKIN SILA SA SUSUNOD
Ang dapat gawin ng mga obrero at kinatawan nila sa susunod na Kongreso ay isulong ulit ang panukala.
May problema nga lang na kahaharapin muli.
May tiyak na bagong mga kongresman. May ilan naman sa mga nag-apruba na mabubura ang ngalan sa Kamara.
Walang nakatitiyak kung may nagpapahalaga sa mga obrero sa mga bagong kongresman. At diyan ulit marahil magkakaloko-loko ang panukalang ito.
Baka naman, aabutin ang panukala ng last seconds na walang kapag-a-pag-asa na magiging batas.
DENNIS ARANAS
Nakababahala, mga Bro, ang nagaganap sa mga testigo sa mga malalaking krimen sa bansa, gaya ng kaso ni Doc Gerry Ortega.
Matapos na mamatay sa atay si Val Lecias, natagpuan namang nakabigti sa kanyang selda sa Quezon Provincial Jail sa Lucena City itong si Dennis Aranas.
Si Dennis Aranas ang lookout noon habang pinapatay si Ortega. Ngunit sa huli, siya ang isa sa mga nagsalita na may direktang kinalaman sa pagpatay si ex-Palawan Governor Joel Reyes.
SINO ANG SUSUNOD?
Sino ang susunod na testigo na maaaring mamatay kaugnay ng kaso?
Bukod sa nakababahalang pagkamatay ng dalawang naunang testigo, nakatatakot ding isipin na mayroon ulit mamamatay.
Kung may mamamatay ulit, ano-ano ngayon ang mga dapat na gawin, lalo na ang pamahalaan upang lumabas ang tunay na katarungan dito?
Dapat na malalim na mag-imbestiga ang pamahalaan sa mga pangyayaring ito upang makagawa ng kaukulang hakbang para sa proteksyon ng mga testigo.
MGA TESTIGO DAPAT ITAGO
Sa ibang salita, mga Bro, dapat na itago ang mga natitirang testigo upang hindi sila mapatay ng kahit sino.
Hindi pupuwedeng pabayaan na lamang na manirahan kahit saan ang mga testigo at hindi dapat hayaan ang mga ito na makita na pagala-gala.
Pati ang pamilya ng mga ito ay dapat na ring alagaan.
Mabigat mang pasanin ito, obligasyon ito ng pamahalaan.
Kung hindi gagawin ang mga ito ng pamahalaan, ang pamahalaan na rin ang may pananagutan sa maaaring kawalang-katarungan na sasapitin ng kaso.
Dapat na managot ang mga huwes at piskal na hindi makaisip ng mga paraan para sa mga testigo.
NAGKATOTOO ANG BINTANG
Maaalalang inakusahan ng isang obispo na pangulo ng isang non-government organization ang ilang matataas na opisyal ng Palawan noon na ginawang pera-pera ang daan-daang milyong pisong pondo mula sa Malampaya natural gas.
May reclamation na in-overprice ng kung ilang daang milyong piso. May mga proyektong tulay at kalsada na in-overprice rin hanggang sa umabot ang halaga ng kung ilang milyong piso.
Ang natatandaan natin, mahigit sa P500 milyong Malampaya fund ang hinokus-pokus ng mga opisyal na kinabibilangan umano ni Reyes.
Ang krusada laban sa korapsyon na nilahukan ni Doc Gerry Ortega, kabilang na ang nasabing Malampaya fund, ang pinaniniwala-ang naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Sa huli, kinumpirma ng Commission on Audit ang iskam at nagkatotoo ang bintang.
MAHALAGA ANG KASO
Sa kasong ito mate-test ang katapatan ng tuwid na daan sa usaping pangkatarungan. Malaking halaga ng public fund ang sangkot dito at nagiging sanhi ng mga patayan.
Kung magpapabaya ang tuwid na daan dito, hahayaan nitong maubos ang mga testigo rito hanggang sa magkawindang-windang ang katarungan, hindi natin alam kung ano ang susunod na tawag sa tuwid na daan.
Pangulong Noynoy, paki naman po ang kasong ito upang magkaroon ng katarungan hindi lang sa pamahalaan kundi sa pamilya ng mga napapatay rito.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.