
Kaya madalas nating marinig ang pangarap na magkaroon ng isang magandang kinabukasan para sa pamilya, kaya palagi na lang silang nakatuon sa panghinaharap.
Mahirap ang buhay sa abroad. Mahirap na mga kalagayan at taong pakikisamahan. Kalaban din ang hindi naman kinasanayang klima. Sobrang lamig o sobrang init. Na nagiging dahilan din ng ‘di napapanahong kamatayan ng mga OCW.
Sabagay palaging hindi naman napapanahon ang kamatayan. Wala naman kasing normal na tao na nagpaplano kung hanggang kailan siya mabubuhay. O ‘di kaya’y kung kailan niya gustong mamatay. Mapa-abroad man o maging dito sa Pilipinas, palagi nating kinahaharap ang kawalang-kasiguruhan.
Mahirap magplano ng ating hinaharap dahil hindi nga natin hawak ang bukas. Sa tagal na rin ng pagbabantay ng ating Bantay OCW sa ating mga kababayan, maraming beses na rin kaming sumalubong sa kanilang mga bangkay.
Sila ang mga dating pasahero na dati-rati’y sa passenger terminal sinasalubong ng kanilang mga mahal sa buhay, ngunit kung minsan, sa cargo terminal na ang bagsak nila. Kasama nagtatapos dito ang mga pangarap ng ating OFW.
Kaya palagi sana nating ipagpasalamat ang buhay na pansamantalang ipinahihiram sa atin ng ating Maylalang na si Jehovah. Gamitin ito sa makabuluhang mga bagay at maging kapaki-pakinabang na ginagawa ang kanyang mga layunin sa halip na puro sarili lamang ang iniisip natin.
o0o
KAMAKAILAN lang, personal na nagtungo si Irene sa Bantay OCW at inilahad ang napakapait na karanasang sinapit sa Saudi. Nakasaad sa kontratang pinirmahan niya sa POEA na isang Mohammed Abdullah Abdulazis Salimi ang kanyang employer. Pagkarating na pagkarating pa lang niya sa bahay ng amo, mahigpit na iniutos ng among babae, na kung tawagin ay madame, na manatili lang siya sa loob ng kwarto at huwag lalabas. Apat na araw siyang hindi pinalabas sa kuwartong iyon at hindi rin pinakain, kahit tubig, wala ring ibinigay. Teacher ang kanyang madame.
Nang ika-apat na araw na, doon lamang siya pinakain ngunit inilipat na siya sa pangalawang amo nito na isa ring teacher. Halos gayundin ang kanyang naranasan.
Pagkatapos, inilipat naman siya ng ikalawang employer sa ikatlong employer nito, na isa ring teacher. Tulad ng mga nauna, isang beses lamang siyang pakainin, kape at tinapay lamang din tuwing gabi, pagkatapos ng mahabang oras ng pagtatrabaho. Tumagal naman siya nang mahigit isang (1) buwan sa ikatlong amo. Akala ni Irene, dito na siya magtatagal. Pinahiram siya ng dalawang beses sa kapatid nito upang magtrabaho roon.
Nang nagreklamo na si Marilyn sa Bantay OCW mula sa Athens at nakausap ang kinatawan ng Rayza International Agency, na hindi pinakakain si Irene, sagot nila, bahagi lamang ‘anya ng training iyon sa OFW upang masanay siya sa mga susunod pang amo. At habang nagaganap ang lipatan ng employer, kumilos naman ang POEA laban sa ahensiyang ito na papanagutin sa pagpapauwi kay Irene.
Makalipas ang mahigit isang buwan, laking gulat ni Irene dahil ibinalik na siya sa ikalawang amo niya. Dito siya binugbog, sinakal at pinagtulungan ng lima katao. Si madame, tatlong mga anak nito kasama pa ‘anya ang Pinay na sipsip sa amo na si Nerva, nakibugbog din. Gayong nakita niyang may iniabot na sobre ang ikatlong employer sa malupit na pangalawang employer, wala rin siyang suweldong natanggap mula roon.
Selos ang pinag-ugatan ng lahat. Nagsimula iyon nang makita ng among babae na ibinababa ng among lalaki ang mga gamit niya at binilhan siya ng tinapay nito, pagkarating na pagkarating pa lamang niya sa tahanan ng amo.
Nakapangutang si Irene ng P7,000 na naging P20,000 dahil sa tubo rito. Nakasampa na sa Adjudication office ng POEA ang Case no. 14010172 at tiniyak naman ni DA Jesus Gabriel Domingo na mabilis nilang tatapusin ang kaso at kaagad ilalabas ang schedule ng mga pagdinig.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 10:30 am 12:00 noon, audio/video live streaming:www.ustream.tv/channel/dziq Helplines: 0927.649.9870 / 0920.968.4700 E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com
The post BUMABALIK NA NAKAKAHON appeared first on Remate.