HALOS linggo-linggo ay nababasa natin sa mga pahayagan ang ipinalalabas na shame campaign ng Department of Finance-Bureau of Internal Revenue (DOF-BIR) kontra sa mga kompanya na nandaraya sa pagbabayad ng kanilang buwis. Agree tayo riyan.
Halos araw-araw ay ibinubulgar ng mga taga-Kongreso ang malawakang smuggling sa bansa mula sa bigas, produktong agrikultura, karne, gamit sa bahay, gusali, gadgets, lahat na. Agree tayo riyan.
Madalas din na naririnig natin na ang nawawalang buwis at sa kaso lang ng smuggling ay halos P300 bilyon na. Hindi pa kasama riyan ang hindi sinisingil o dinarayang buwis ng malalaking negosyante’t korporasyon. Agree tayo riyan.
Ang tanong, nahabol, nahuli at nakasuhan na ba ng DOF-BIR ang mga limatik ng lipunan? Disagree tayo riyan! May epekto ba ang shame campaign ng DOF-BIR? Disagree tayo riyan! May namemera ba sa kanila? Agree na agree tayo riyan!
Niloloko ng DOF-BIR ang taumbayan sa kayabangan nila na maghabol kontra sa mga nagbabayad ng buwis.
Huling biktima nila ay si 8th division world champion Manny Pacquiao. Marami rin tayong nakausap na halos atakehin sa puso dahil sa kuwestiyunableng buwis na sinisingil sa kanila.
Kung totoo kayo, Finance secretary Cesar Purisima at BIR Commissioner Kim Henares, na naghahabol sa mga mandaraya sa pagbabayad ng buwis, ipaliwanag nga ninyo ito. Ang TOYOTA MOTOR Philippines Corporation ay nakapagbenta sa bansa ng iba’t ibang uri ng kanilang sasakyan noong 2012 ng halagang P44.8 bilyon. Ang binayaran ng Toyota sa kanilang Customs duty ay P125.4 milyon lamang!???!
Hindi tayo accountant pero sentido kumon na batay sa libro ng BIR ito, ha. Alisin na ang mga buwis batay sa Foreign Investment Act na halos libre na sila sa buwis. Alisin na rin ang ad valorem tax. Pero hindi maaaring alisin ang Value Added Tax. Pero sa kapal ng mukha ng BIR, mukhang masyadong garapal ang kinita nila sa Toyota!
Alam kaya ito ni Senadora Miriam Defensor-Santiago? Kung ginamit ng BIR ang tamang kuwenta ng buwis sa Toyota gamit ang value added tax, dapat ay hindi bababa sa P5 bilyon ang masisingil ng gobyerno. Malinaw ang pandaraya ng pagbabayad ng buwis ng Toyota o kaya naman ay malaki ang kinita nina Purisima at Henares sa ‘inareglong bayad buwis’ ng Toyota! Sino ang kumita?
Sa dokumentong hawak natin, garapal, makapal ang mukha ng DOF-BIR. Madame Senator Miriam. Galit ka sa kurakot, hindi ba?
Ang buwis ng Toyota ay katumbas lang ng 0.28 sa dapat nilang bayaran na buwis!
Maraming kasunod ito. Dokumentado.
Nanghihiya kayo pero kayo pala ang sagad sa kahihiyan DOF-BIR!
The post SHAME CAMPAIGN NG DOF, BIR appeared first on Remate.