SA bibig mismo ni Rose ‘Osang’ Fostanes, hindi niya umano inakalang siya’y magiging champion sa kauna-unahang
‘X-Factor’ sa bansang Israel.
Lalong ‘di niya inakala na isang araw sa kanyang buhay, siya’y pag-uusapan sa buong mundo dahil sa pagkakapanalo sa naturang show.
At dahil na rin sa pagkakatanghal bilang champion, siguradong mababago – giginhawa ang dating naghihikahos na buhay ni Osang.
Dahil sa pagkakapanalo, nag-uunahan ang mga sikat na broadcaster para maiere sa live interview ang dati’y nagtitinda lang sa bangketa na taga-Taguig.
Pati ang Malakanyang ay sumasawsaw rin sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagbati na inanunsyo pa sa mga TV, radio at pahayagan.
Bukod sa gabunbok na pagkilala sanhi ng kanyang pagkakapanalo, mabibiyayaan si Osang ng ‘di lang daang libo, kundi milyones.
May mga mambabatas na nga na para makasakay sa kasikatan ngayon ng dati’y ‘di pinapansin na ‘X-Factor’ champion, ay nagbabalak nang mag-sponsor ng resolusyon para sa pagbibigay pugay kay Osang.
Dahil sa tinamong karangalan, bayani ngayon ang turing sa kanya.
Si Osang ay isa lang sa marami na ring Pinoy na rati’y dinaraan-raanan lang, pero sumikat dahil sa ‘husga’ ng panahon.
Husga ng panahon dahil marami ang nangarap, ngunit ilan lamang ang naging katulad nina ngayo’y Osang, Manny Pacquiao at iba pa.
Wala akong maipagmamalaking talent tulad nila – pero nangangarap din akong maging Osang at Pacquiao, at tumataya ako ng lotto. Malay mo, wala namang bayad ang mag-ilusyon. Ang buhay nga talaga!
C/INSP. SALVADOR ESPINA
Dapat sigurong sibakin na ni Gen. Alan Purisima itong si C/Insp. Salvador Espina, hepe ng bayan ng Rosario sa lalawigan ng Batangas.
Dahil tila, ‘di ginagawa ni Maj. Espina ang trabaho para mahinto ang operasyon ng montehan ng isang Jun Ayap, Nixon Ilagan at Celso Katigbak.
Ang isang police chief na ‘di kumikilos para sawatain ang iligal ay dapat na masibak, kaya siguro Gen. Purisima, sibakin mo na si Espina.
Abangan natin ang aksyon ni Gen. Purisima.
The post ANG BUHAY NGA NAMAN appeared first on Remate.