IDINEKLARA ng Archdiocese of Palo ang araw ng Linggo, Disyembre 8, na Araw ng Kapistahan ng Immaculate Conception, bilang “Archdiocese Day of Prayer and Remembrance” para sa lahat ng biktima ng super bagyong Yolanda na tumama sa Central Philippines nitong Nobyembre 8.
Kaugnay nito, hinimok ni Palo Archbishop John Du ang lahat ng mananampalataya sa kanilang archdiocese na magtungo sa kani-kanilang parokya sa nasabing araw upang ipanalangin ang mga nasawing biktima ng bagyo.
Ayon naman sa tagapagsalita ng archdiocese na si Fr. Amadeo Alvero, isang banal na misa ang isasagawa sa nasabing araw na susundan ng funeral service.
Hinikayat din ng archdiocese ang lahat ng pamilya na isulat ang mga pangalan ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay na namatay sa kasagsagan ng bagyo.
Kasabay nito, nabatid na bago ang Day of Prayer and Remembrance ay magkakaroon ng triduum o 3-day prayer para sa mga namatay dahil sa bagyo sa lahat ng parokya ng archdiocese.
Magkakaroon din ng memorial sa grave site sa Palo Cathedral matapos ang misa ganap na 3:00 ng hapon.
The post Dec 8 idineklarang ‘Archdiocese Day of Prayer and Remembrance’ appeared first on Remate.