AYOS din itong si Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan. Bakit kamo? Nakarating sa inyong lingkod na hindi siya tulad ng ibang politiko na benggador sa mga naging kalaban nila sa pulitika.
Bukod dito, walang halong yabang ito sa katawan, sobrang low-profile ang dating. Talagang malayo nga siya sa ibang kilala nating mga politiko.
Kung ‘di mo lang siya kilala, ‘pag nakita mo siya ‘di mo iisipin itong si Mayor Oca na siya pala ang punong-lungsod kasi nga malapit siya sa lahat kahit sinong makasalubong niya tatanguan niya as if kilala n’ya lahat. Sa iba naman, nagagawa pa niyang umakbay at makipaghuntahan sa kanila.
Ganun itong si Mayor Oca, ika nga sobrang maka-masa. Well, ‘di naman nakapagtataka kasi ‘di ba kaya nga overwhel-ming ang pagkapanalo niya nitong nakaraang halalang-lokal?
Kaya tuloy hindi maitago ng inyong lingkod na hindi mapansin itong si Mayor Oca at ilahad sa publiko lalo na sa mga mambabasa ng ating pahayagang REMATE ang kagalingan at kababaang-loob ng bagong alkalde ng makasaysayang Lungsod ng Caloocan.
Hindi rin kaila na maraming empleyado sa City Hall ang napamahal sa dating alkalde na ngayon ay congressman ng District 1 na si Rep. Recom Echiverri. Siyempre, alam ito ni Mayor Oca pero balewala sa kanya ito.
Wala sa diksyunaryo ni Mayor Oca ang maging benggador. Sa kanya, magpakita lang sila ng katapatan at dedikasyon sa kani-kanilang trabaho hindi sila magagalaw. Sa kanya, isang araw lang ang eleksyon dapat balik na sa normal, balik na sa pagtatrabaho at pagsisilbi sa taong-bayan.
Kaya naman madali niyang nakuha ang loob at suporta ng halos lahat ng empleyado, lahat sila bilib sa magandang ugali at pagtrato sa kanila ni Mayor Oca na akala nila ay magiging benggador tulad ng mga naunang alkalde ng lungsod.
Paanong ‘di mapapamahal itong si Mayor Oca sa mga empleyado, eh matagal na rin siyang naging kasama nila sa serbisyo-publiko.
Talagang hinog na hinog itong si Mayor Oca kung ang pag-uusapan lang ay ang paglilingkod sa buong lungsod at nasubaybayan din ng inyong lingkod kung paano siya nagsimula sa pagsisilbi ng simple pero tapat sa mga mamamayan nito.
Nauna na siyang naging konsehal bago maging vice mayor at naging Kinatawan ng District 1 sa loob ng siyam na taon kung saan marami siyang naisabatas na naging kapaki-pakinabang lalo na sa buong siyudad.
Atin ding napag-alaman na todo ang naging suporta ng Sangguniang Panlunsod sa pamununo ng aking kumpareng si Vice Mayor Maca Asistio at mga mahuhusay na konsehales tulad nina Councilors Tino Bagus at Onet Henson.
Pati mga barangay chairman, na ‘di naman kaila na marami pa rin ang ‘maka-Recom,’ pero lahat sila saludo sa pagiging simple nitong si Mayor Oca. Sa kanya, ang nais niya pag ang lahat ay gumagawa ng maayos sa kanilang nasasakupan, walang problema sa kanya.
Ayos ‘di ba?
Sa kabuuan, maraming suliranin ang tiyak na bubunuin ni Mayor Oca sa lungsod kaya mahalaga na makuha niya ang suporta ng lahat. Good luck Mayor!
The post NAKAKABILIB SI MAYOR OCA appeared first on Remate.