SIKRET ang State of the Nation Address at walang lalabas na nilalaman nito bago ihayag ito ni Boss Benigno Simeon Aquino III ngayong araw.
Okey lang sa atin ‘yan.
Pero may gustong palabasin ang Palasyo na maaaring ikagulat ng lahat?
Kung anoman ‘yan, sana hindi makasasama sa lahat o nakararami.
LUMANG TUGTUGIN
Isa ba sa mga lalamnin nito ang pag-unlad umano ng mahal kong Pinas?
Ang totoo, araw-araw nang lumalabas na balita ito maging sa ating pahayagan. Kaya lumang tugtugin na ito.
Ang masakit dito, walang dating ito sa nakararami na nagsasabing hindi nila nararamdaman ang pagyaman ng bansa.
Siguro, sabi ng marami, sila lang ang umuunlad o yumayaman.
Pangunahin na nagsasabi nito ang 38 milyong obrero na hindi man lang nakarinig ng “wage hike”, kahit pa-consuelo de bobo man lang, nitong nakaraan nilang kaarawan – Mayo Uno.
Kasama rin sa mga hindi nakararamdam ng pag-unlad ang milyong tsuper ng mga tricycle, dyipni at iba pa na nilalamon ng mga kompanyang langis sa walang katapusan nilang “oil price hike.”
NANDIDIRI SA PINAS
Kasama rin ba sa mga babanggitin ng Pangulo ang pagiging bilib ng mga dayuhan sa mga pagbabago at pagyaman ng Pilipinas?
Maaari. Pero wala ring epekto ito. Sapagkat madalang na may dumating na dayuhan na maglalagak ng malalaking puhunan para sa pagtatayo ng mga pabrika na magtitiyak ng pangma-tagalang hanapbuhay ng maraming mamamayan at pagkukunan din ng pamahalaan ng buwis.
Sa halip, parang nandidiri ang mga ito at sa ibang bansa sila tumatakbo para magtayo ng mga pabrika.
Nakaaabot na sa magandang grado na “investment grade” ang mahal kong Pinas pero wala itong katumbas na pagkukumahog ng mga dayuhan para mamuhunan dito.
Nang medyo gumanda-ganda nga ang piktyur ng Amerika sa ekonomiya o nakababawi na sa krisis ito, biglang kumaripas ng takbo ang mga dayuhang namumuhunan sa mga tinatawag na Stock Exchange o bilihan ng mga salapi o puhunan sa mga korporasyon dito at tumungo sa Amerika para roon ilagak ang kanilang puhunan o salapi.
MULA SA JUNKSHOP
Maaari ring lamnin ng SONA ang pagkakaroon ng pagbabago sa militar.
Paisa-isang dumarating ang mga pandigmang barko ng militar na magbabantay sa mga teritoryo ng Pinas sa West Philippine Sea.
Pero sabi ng iba, ano ang magagawa ng mga barkong galing sa mga junk shop ng mga Amerikano sa mga makabagong pandigmang barko ng Tsina na bumabakod ngayon sa ating mga teritoryo sa nasabing karagatan?
Magkagayunman, may consuelo de bobo naman umano tayo. Kumbaga sa mga marurupok na barangay road na pinagkakakitaan ng mga kongresman, gobernador, mayor at kapitan, “mas mabuti naman kaysa putik.”
ARMADONG PARAK
Kamakailan ay nagpamudmod ang pamahalaan ng maraming baril sa mga pulis para may panlaban ang mga ito sa mga kriminal.
Maganda rin naman ‘yan.
Kaya lang, lumalabas naman ngayon ang matinding kabulukan sa pulisya at ang mga armas ngayon ang ginagawang pampatahimik sa mga may “maraming alam” sa kanilang mga kabulukan.
Halimbawa, rubout o salvaging nga ba ang sanhi ng kamatayan ng dalawang lider ng kilabot na Ozamis Group kamakailan? Lumalabas kasi na maraming alam ang dalawang ito, kabilang na ang pagkakaroon ng mga ninong at ninang sa matataas na posisyon sa pulisya, sa kanilang mga kriminal na gawain.
May rubout din sa pagitan ng mga pulis na nag-aagawan sa mga teritoryo sa mga iligal na sugal gaya ng naganap sa Atimonan massacre na ikinasawi rin ng mga inosenteng sibilyan.
Nakatatakot na magkaroon ng armas ang pulisya sa nagaganap na ito.
MAPAYAPANG MINDANAO
Sa tingin ng marami, inihabol sa SONA ang pagkakaroon ng kasunduan ng gobyernong Pinas at ng Moro Islamic Liberation Front.
Magkagayunman, aasahan na umano ang malawak at matagalang kapayapaan sa Mindanao dahil dito.
Ngunit may katanungan ang marami ukol sa “hatian ng yaman o wealth sharing sa lahat ng likas na yaman na makukuha” sa Mindanao.
Sino-sino nga ba umano ang mga sasali sa mga pagkutkot sa mga langis, natural gas, ginto at iba pang malalaking tipak ng kayamanan sa Mindanao? Kani-kanino ang mga kompanyang sasali rito?
Kung magkakaroon ba ng trabaho ang ilang ordinaryong mamamayan sa Mindanao dahil sa pagkutkot sa mga likas na yamang ito, makatitiyak ba ang Pinas ng matagalang kapayapaan?
Eh, nauubos din ang mga kayamanang ‘yan at ang masakit, malamang na ilalabas sa Pinas ang pinakamalaking bulto ng kita o tubo sa mga negosyong ito at hindi paiikutin ang mga ito para sa ikauunlad ng buong bansa.
PAGBABAGO SA KONSTITUSYON
Maaari rin bang lamnin ng SONA ang pagtibag o pagretoke sa 1987 Constitution o Saligang Batas?
Posible. Para na rin umano ito sa mamamayan.
At maaaring bigyan ang mga dayuhan ng 100 porsyentong pagmamay-ari sa mga lupa; minahan ng langis, ginto, bakal; dagat na pangisdaan; kuryente; tubig; gamot; pagkain at iba pang mahahalagang negosyo sa Pinas?
Noong panahon ng mga Kastila, pag-aari ng mga dayuhan ang lahat ng mga mahahalagang likas na yaman at negosyo sa bansa at dahil sa sumpa na dating nito, pinunit nila Gat Andres Bonifacio ang kanilang mga sedula sa buwisit.
God bless, the Philippines!
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.
The post GOD BLESS, THE PHILIPPINES SA SONA NGAYONG 2013 appeared first on Remate.