SUNOD-SUNOD ang dagok na inabot ng Philippine National Police (PNP) nitong mga nakalipas na araw. Pumutok ang umano’y rubout ng lider ng kilabot na Ozamis gang na si Ricky Cadavero at kasama nitong si Wilfredo Panogalinga.
Sumunod naman na alegasyon na kinulimbat ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang mga droga at salapi sa loob ng bahay na pinagtataguan ng puganteng Chinese drug lord na si Li Lan Yan alias Jackson Dy at asawa nitong si Wang Li Na. Isama na rin natin diyan ang mga ulat na ang mga magagarang sasakyan at iba pang ari-arian ni Cadavero na nasa pag-iingat ng Southern Police District (SPD) ay hindi na makita.
Nakapanlulumo ang mga ganitong balita at tila talagang inaalat itong si PNP Chief Director General Alan La Madrid Purisima. Ang mas lalong nagpapalala ng sitwasyon ay ang kawalan ng magandang relasyon nitong si Purisima sa media kaya’t talagang hirap na hirap siyang iangat ang PNP na tinaguriang “most corrupt” sa mga institusyon ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyong Aquino. Bagama’t hindi naman “cure all” ang media sa mga hinaharap na problema sa imahe ng PNP, malaki ang maitutulong sana nito upang mapalutang naman ang mga mabubuting gawain ng ating kapulisan.
Kung hindi maayos ang relasyon mo sa media, siyento porsiyento talagang puro kapalpakan lamang ng PNP ang makikita.
Basic human instinct naman kasi na kapag ang isang tao o grupo ay hindi maganda ang pakikitungo sa iyo, natural na wala kang masasabing maganda tungkol sa mga ito. Sa tingin ko, alam naman ito ni Purisima subalit maaaring may mga bumubulong-bulong lang na demonyo sa kanyang tabi at nagmamagaling na siya na ang bahala sa media kaya ayun, semplang kaliwa’t kanan ang PNP.
Nakapanghihinayang ito sapagkat napakarami sa ating mga pulis ang matitino, masisipag at buong-buo ang dedikasyon sa trabaho. Sila ‘yung nagiging dahilan kung bakit ayaw kong maniwala na wala na talagang pag-asa ang PNP.
Gaya na lang nitong nakaraang linggo noong nilalakad ko ang Permit to Transport (PTT) ng aking baril upang makasali sa isang shooting competition, nasaksihan natin ang sigasig ng mga tauhan ng Permit to Carry Outside of Residence (PTCFOR) Secretariat.
Dahil na rin sa mga bagong patakaran na ipinatutupad para sa pagkuha ng PTT at PTCFOR, talagang natambakan ng trabaho ang PTCFOR Secretariat ngunit wala kang maririnig na reklamo sa kanila. Nakangiti at buong husay pa rin nilang inaasikaso ang mga kababayan nating dumaragsa sa kanilang tanggapan kahit ang ilan dito ay sagad sa buto ang kakulitan. Dito ako napabilib sa grupo nina SPO4 Willy Managbag, SPO1 Roy Paje, PO3 James Katalbas, PO3 Eric Buenaventura at mga non-uniformed personnel na sina Jonard Michael Navarro at Kenneth Samante. Swerteng-swerte ang kanilang boss na si Senior Supt. Ricardo Zapata dahil puro magagaling at masisipag ang kanyang mga tauhan.
Kapag mga ganitong tao ang nakikita at nakahaharap natin sa PNP, muling nabubuhay ang ating paniniwala na mas marami pa ring matitino kaysa mga bugok sa ating kapulisan.
Mas marami pa ring pumasok sa serbisyo upang pagsilbihan ang bayan sa halip na gumawa ng katarantaduhan. Ngunit hangga’t hindi inilalagay sa ayos ni Purisima ang kanyang relasyon sa media, tiyak na puro mga bugok na pulis ang magiging bida sa mga balitang ukol sa PNP. Baguhin lang niya ang kanyang pakikitungo ay tiyak na darami rin ang kanyang magiging kakampi upang isulong ang mga magagandang balita ukol sa ating kapulisan.
Garantisado ‘yan na hindi papalya.
The post LUGMOK ANG IMAHE NG PNP appeared first on Remate.