MAY ilang kataong nasugatan lamang sa nakaraang bagyong Gorio.
Sa lalawigan ng Quezon naganap iyon nang magkabuhawi sa bayan ng Jomalig. Siyempre pa, may mga nawasakan ng tahanan ngunit nagpapasalamat pa rin sila sa Maykapal sa kawalan ng nasawi sa kanila.
Magpasalamat tayo at wala talagang namatay habang tinitipa natin ito.
GRABENG TRAPIK
Nitong Sabado na pagpasok ng bagyong Gorio sa Kamaynilaan, nagkabuhol-buhol ang trapiko.
Mabuti na lang Sabado at walang pasok ang milyong estudyante sa elementarya at haiskul na karaniwang sineserbisan ng katakot-takot ding mga sasakyang pribado at pampubliko.
Pero ang punto rito ay grabe ang naganap na trapik.
Magandang patuloy ang pag-aaral ng mga kinauukulan kung paano nila lalabanan ang matinding trapik, lalo na ang baha na pinagmumulan nito.
Paano nga rin makatutulong ang mamamayan sa paglutas sa problemang ito?
IBA’T IBANG KLASENG TULONG
May ilang pupuwedeng gawin ang mamamayan upang makatulong laban sa baha at trapik na rin.
Una, isumbong sa mga kinauukulan ang mga sadyang nagsasara ng mga butas ng mga drainage para lang sila kumita sa isang dipang tulay o para mapilitan ang mga mamamayan na sumakay ng mga traysikad o traysikel.
Ikalawa, pupuwede bang arestuhin ng mamamayan ang suwapang na trike boys sa mga traysikad, traysikel at kuliglig na sumisingil ng napakamahal na pasahe sa oras ng baha?
Ikatlo, paano lalabanan ang paggawa ng swimming pool sa mga may bahang kalsada upang kung may hihintong sasakyan ay pagkakaperahan ng tulak boys?
Ikaapat, pwede bang itulak sa gitna ng kalsada ang mga pulis at traffic enforcer na magmando ng trapik?
Sinasabi natin ito dahil kung buhol-buhol na ang trapik dahil sa baha, naglalaho na ang mga pulis at traffic enforcer.
Ikalima at para sa mga motorista, hangga’t makakayanan natin ay ikondisyon natin nang husto ang ating mga sasakyan at siguruhing may sapat tayong diesel at gasolina para hindi tayo basta hihinto o masisiraan sa oras ng trapik at baha.
Ikaanim, pagtutunan natin nang husto ang magtapon ng basura sa mga dapat na pagtapunan at hindi kung saan-saan lang.
Alalahanin na kahit maliit na basura gaya ng upos ng sigarilyo ay nakababaha rin.
Maliliit na bagay lang ang mga ito, mga Bro, pero doble o pupwedeng gawin ang mga ito ng mamamayan.
Ang mahirap lang na gawin ay ‘yang pagtutulak sa mga pulis at traffic enforcer na mag-ayos ng trapiko dahil naglalaho nga sila.
BAGONG MGA LIDER
Pero higit na malaki ang pananagutan o trabaho ng mga opisyal ng bayan sa problemang baha at trapik.
Ngayong marami nang nabagong pamunuan sa ating pamahalaan, ano-ano na ang mga inaasahan nating kasagutan ng mga ito sa dalawang problemang nabanggit? Magiging katulad pa rin ba sila ng mga pinagpapalitan nila na inutil laban sa trapik at baha?
Sana naman, sa kanilang panunumpa sa tungkulin kahapon ay kasama na ang mga trapik at baha sa kanilang agad na asikasuhin.
PAGPAPALIT NG MGA ALAGA
Kasabay ng panunumpa ng mga bagong lider sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan ang sibakan sa posisyon at pagpapalit ng tao sa mga ito.
Mula sa mga matataas na posisyon hanggang sa kapulisan ay nagkaroon ng mga sibakan at palitan.
Pero gusto nating maringgan ang mga bagong lider kung paano nila sisibakin ang trapik at baha.
Kung gaano kabilis ang mga ito sa pagsibak sa mga tao ng kanilang mga kalaban na nangungunyapit sa puwesto, ganito rin nila malulutas ang trapik at baha?
Sana naman po!
SOBRANG PERHUWISYO
Sapagkat sobrang perhuwisyo ang dalawang problemang ating binabanggit.
Halimbawa, pagod na nga ang mga obrero sa kanilang trabaho, napapagod pa sila sa sobrang pagbibiyahe.
Nakapapagod lalo na sa mga nakatayo sa mga siksikan sa mga bus.
Maimadyin ba ninyo kung gaano kahirap sa mga nakatayong pasahero, lalo na sa parte ng mga kababaihan, ang matrapik sa 2, 3, 4 o 5 oras at gabi o madaling araw na kung maka-uwi sa bahay?
At maimadyin ba rin ninyo kung gaano kahirap ang maglakad ng kilo-kilometro sa baha at butas ng mga kalsada kung hindi na gumagalaw ang trapik?
O kayong mga senador, kongresman, gobernador, mayor at iba pang mga opisyal, magsalita at kumilos kayo nang mabilis laban sa trapik at baha.
‘DI SIGURADONG GAMOT SA AIDS
Sabi ng World Health Organization, susubukin na nilang gamitin ang nadiskubreng gamot laban sa HIV/AIDS.
Sabi ng WHO, hindi pa tiyak na kung tuluyan nang gagaling ang mga may HIV/AIDS pero talaga naman umanong nakababawas sa virus ng HIV/AIDS ang nadiskubreng gamot.
Kaya lang, hindi libre ang gamot at may bayad para may panggastos ito sa pagpapaunlad ng gamot at pagpapalawak ng gamutan sa mga pasyente.
Dito sa Pinas, libo-libo na ang may HIV/AIDS.
Pero sa buong mundo, mayroong 34 milyon na biktima.
Sa ngayon, nasa 10M lang ang target na isalang sa gamutan ng WHO at malas na lang ang hindi maisasali rito.
Patay silang mahihilig, puwera ang mga inosente at nahawa lamang.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.
The post GAMOT SA AIDS AT MAMAMAYAN KONTRA TRAPIK AT BAHA appeared first on Remate.