TAGUIG CITY – BINAWIAN ng buhay ang isang balut vendor ilang minuto matapos itong dalhin sa Taguig-Pateros District Hospital ng mabundol ng rumaragasang tren sa PNR railroad, Purok 5, Barangay Tanyag, Taguig City noong Sabado ng umaga.
Kinilala ng mga awtoridad ng PCP 3 Tanyag ang namatay na biktima na si Daniel Daquit, nasa hustong gulang at nakatira sa Purok 5, Barangay Tanyag ng naturang lungsod.
Ayon sa kanilang inisyal na pagsisiyasat, dakong alas 10:55 ng umaga ng mahagip umano ng rumaragasang tren ang biktima at kaladkarin ito ng may ilang metro habang tumatawid doon sa nasabing lugar.
Dahil sa nangyaring insidente agad na dinala ng mga awtoridad sa pagamutan ang biktima subalit makalipas ang ilang saglit ay binawian din ito ng buhay.
Isasalang sa masusing pagsisiyasat ang operator ng PNR train na may body no. DMR-07 na nagngangalang Angelo Coldas upang alamin ang iba pang detalye ng nangyaring insidente.
The post Balut vendor nabundol ng tren, patay appeared first on Remate.