BABAWASAN o ititigil pansamantala ng Commission on Elections (Comelec) ang pagdaraos ng voter education campaign, na ‘Know Elections Better’ (KEB) seminars, sa mga susunod na linggo upang matutukan ng poll body ang paghahandang isinasagawa nila para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, ang KEB ay isang continuing voter education campaign ng Comelec, ngunit plano nilang bawasan o itigil ang pagdaraos nito pansamantala, sa panahon ng halalan para makapag-pokus sa preparasyon para sa eleksyon.
Ipagbabawal rin aniya nila ang pagsasagawa ng KEB, o anumang hiling ng mga barangay officials na magdaos nito sa kanilang lugar, upang maiwasang magamit ito bilang platform para sa partisan political activities.
Tiniyak naman ni Jimenez na ipagpapatuloy nila ang pagdaraos ng KEB sa sandaling matapos na ang halalan.
Batay sa calendar of activities ng Comelec, ang election period para sa BSKE 2018 ay nakatakda mula Abril hanggang Mayo 21.
Ang election day naman ay nakatakda sa Mayo 14. MACS BORJA