NALAGAS sa maikling shootout ang town mayor ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao at siyam sa kanyang mga bodyguard sa North Cotabato kaninang madaling-araw, Biyernes.
Nakilala ang namatay na suspek na si Mayor Samsudin Dimaukom at siyam sa kanyang bodyguards na hindi nakuha ang mga pangalan ay namatay noon din sanhi ng mga tama ng bala sa katawan.
Wala namang naiulat na namatay o nasaktan sa panig ng awtoridad na nakipagbarilan sa mga armadong suspek.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 4:30 a.m. sa Old Bulatukan sa Makilala, North Cotabato.
Bago ito, nabatid na sinita ang convoy ng mga suspek sa isang inilatag na checkpoint sa nasabing lugar dahil sa may natanggap na impormasyon ang pulisya na magdadala ang grupo ng droga sa Maguindanao at Cotabato area.
Pero imbes tumigil at magpasailalim sa inspeksyon, pinaulanan ng putok ng matataas na kalibre ng baril ang mga pulis na nagmamando ng checkpoint.
Bilang pagtatanggol sa kanilang sarili, gumanti ng putok ang kapulisan at sa maikling shootout ay napatimbuwang ang kanilang kalaban habang nasa loob ng kanilang sasakyan.
Hindi naman nagbigay pa ng pahayag ang pulisya kung ano ang kanilang narekober sa mga sasakyan bukod sa mga armas na ginamit ng mga suspkt.
Noong nakaraang Setyembre lamang, nagsagawa ang pulisya ng search warrant sa compound ni Dimaukom sa Maguindanao pero wala ritong natagpuang kontrabando.
Si Dimaukom ay nauna nang inginuso ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang isang “narco-politician” na nasa kanyang drug watchlist. BOBBY TICZON